PAGTUGON NG PROVINCIAL GOV’T SA DENGUE OUTBREAK SA ILOILO!

TARGET NI KA REX CAYANONG

HINDI maitatanggi na ang deklarasyon ng dengue outbreak ni Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. ay isang mahalagang hakbang upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa lalawigan.

Sa datos ng Iloilo Provincial Health Office, umaabot na sa mahigit 4,500 ang naitalang kaso mula Enero, kung saan 241 ang na-admit sa mga ospital at 10 na ang pumanaw hanggang Agosto 9, 2024. Ang mga bilang na ito ay hindi lamang nakababahala, kundi isa ring paalala na ang banta ng dengue ay tunay at napakalapit sa atin.

Sa harap ng lumalalang sitwasyon, ang pagpapalabas ng abiso ng gobernador na nagpapaigting sa pagpapatupad ng protocols kontra dengue at ang deklarasyon ng Blue Alert Status ng PDRRMO ay nagpapakita ng kahandaan ng pamahalaan na harapin ang krisis. Ang mabilis na pagkilos na ito ay nararapat lamang, lalo na’t ang dalawang LGU, ang Passi City at bayan ng Tigbauan, ay nagdeklara na rin ng state of calamity.

Kasabay nito, sa panayam ng inyong lingkod sa programang TARGET ON AIR sa DZME 1530, sinabi ni Gov. Defensor na hindi lamang ito usapin ng pagpapatupad ng mga hakbang kontra dengue, kundi ng pagpapaabot ng tamang impormasyon at edukasyon sa mga komunidad. Ang bawat mamamayan ay may mahalagang papel na ginagampanan sa paglaban sa sakit na ito.

Kailangan aniya nating pag-ibayuhin ang pagkakaisa at pagtutulungan upang masigurong ang bawat pamilya ay alam kung paano maprotektahan ang kanilang mga sarili laban sa dengue.

Ayon sa masipag na gobernadora, ang kalinisan sa paligid, regular na pagpapausok, at tamang pamamahala ng mga basura ay ilan lamang sa mga simpleng hakbang na makatutulong upang maiwasan ang pagdami ng mga lamok na nagdadala ng sakit.

Samantala, sa ilalim ng pamumuno ni Governor Defensor, pinili ng lalawigan ng Iloilo ang Passi City bilang isa sa mga benepisyaryo ng P5 milyong cash subsidy para sa pagtatayo ng Family and Youth Development Centers. Ang pondong ito, na opisyal na ibinigay noong Agosto 12, 2024, sa Iloilo Provincial Capitol Grounds, ay magbibigay-daan sa mas pinalawak na suporta para sa kabataan at mga pamilya ng lungsod.

Pagpapakita ito ng malalim na pagkilala ng pamahalaang panlalawigan sa pangangailangan ng mga kabataan at pamilya sa Passi City. Siyempre, sa isang panahon kung saan maraming kabataan ang humaharap sa iba’t ibang hamon, mahalagang magkaroon ng mga pasilidad na magbibigay ng gabay, suporta, at mga pagkakataon para sa kanilang pag-unlad. Ang Family and Youth Development Centers na itatayo sa tulong ng subsidyang ito ay magiging sandigan para sa kanilang mga pangangailangan—isang lugar kung saan maaari silang magtipon, matuto, at lumago bilang mga produktibong miyembro ng lipunan.

Malaking papel ang ginampanan ni Ma. Therese Buena, Population Program Officer IV ng PopCom Passi, sa pagtanggap ng pondo sa ngalan ni City Mayor Stephen Palmares, kasama si Joy Dayot mula sa City Treasurer’s Office.

Ang kanilang aktibong partisipasyon ay sumasalamin sa kanilang dedikasyon sa pagtataguyod ng kapakanan ng mamamayan ng Passi.

Sa pamamagitan ng patuloy na pagsuporta ng pamahalaan sa mga programang tulad nito, tiyak na maisusulong ang kapakanan ng bawat pamilya at kabataan sa Passi City at sa buong lalawigan ng Iloilo.

27

Related posts

Leave a Comment