PAGTUGON NINA PANGULONG MARCOS AT GOV. ABDUSAKUR TAN SA KRISIS

TARGET NI KA REX CAYANONG

PATULOY na bumabangon ang ilang mga kababayan natin sa mga probinsya mula sa krisis na dala ng El Niño phenomenon.

Sa kabilang banda, isang sinag ng pag-asa ang nagpakita sa mga magsasaka at mangingisda ng Sulu sa anyo ng P10 milyon na presidential assistance mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang personal na paghatid ng tulong na ito ay hindi lamang simbolo ng suporta kundi isang kongkretong hakbang upang muling buhayin ang kabuhayan ng nasalantang sektor.

Ayon kay Gov. Abdusakur Tan, ang El Niño ay nag-iwan ng P5.3 milyong pinsala sa pananim sa probinsya, at apektado ang 912 na magsasaka.

Aniya, ang kabuuang epekto nito ay nagdulot ng pagdurusa at kawalan ng katiyakan sa mga komunidad na umaasa sa agrikultura at pangingisda.

Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, ang pagtugon ng pamahalaang panlalawigan, katuwang si PBBM, ay nagpapakita ng malasakit at responsibilidad sa kanilang mamamayan.

“Nawa’y ang tulong na dala namin ngayon ay magpalakas sa inyong mga kabuhayan at magpatibay pa lalo sa inyo bilang isang lalawigan,” wika ni Pangulong Marcos Jr.

Kasama ng pangako ng Pangulo, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nagbigay rin ng P10,000 bawat isa para sa 5,000 magsasaka at mangingisda sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) Program.

Kasama rin dito ang mga makinarya at inputs sa pagsasaka na magbibigay ng kinakailangang kagamitan upang muling makapagsimula ang mga magsasaka at mangingisda.

“Huwag kayong mag-alinlangan… Bagong Pilipinas,” dagdag ni PBBM.

Sinabi naman ni Gov. Tan na sa gitna ng krisis, ang pagkakaisa ng pamahalaan at ng mamamayan ay susi upang malampasan ang mga pagsubok.

Ang pagkakaloob ng family food packs at iba pang non-food items na nagkakahalaga ng P2.55 milyon, ay patunay ng kahandaan ng pamahalaan na tugunan ang anomang pangangailangan ng mga taga-Sulu.

Ang aksyon na ito ay isang pagpapakita ng tunay na serbisyo publiko – ang pag-agapay sa mga nangangailangan, lalo na sa panahon ng sakuna. Ang pagtutulungan ng bawat sektor ng lipunan ay magbubunga ng mas matatag na komunidad at mas maunlad na bansa.

At sa tulong ng bawat isa, magkakaroon ng Bagong Pilipinas na handang harapin ang anomang hamon, at laging magpupunyagi para sa kapakanan ng kanyang mamamayan.

25

Related posts

Leave a Comment