PAGTUGON SA WATER CRISIS DAPAT NAAAYON SA BATAS

FORWARD NOW

Ang Pilipinas, partikular ang Metro Manila, ay nakararanas ng krisis sa tubig na kailangang mabilis na maaksiyunan; ito ay hindi pinag-uusapan. Subalit ang anumang solusyon na gagawin ng gobyerno ukol dito ay dapat naaayon sa batas.

Naging mainit na usapin ito matapos na maglabas ng advisory ang water concessionaires na Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services, Inc. na re­gular silang magpapatupad ng rotational water service interruptions sa kalakhang Maynila.

Hindi natin itinatanggi na wala tayong krisis sa tubig. Pero kung anuman ang hakbang na gagawin dito ay kailangang alinsunod sa kung ano ang itinatakda ng batas. Dapat masiguro na­ting hindi maaagrabyado ang kalikasan, pati na ang mga indigenous people at iba pang kababayan natin.

Duda tayo na mayroong anomalya sa paggawad ng Kaliwa Dam Project sa Chinese firm sa kabila ng kakulangan sa pre-qualification requirements kaya bilang kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Rizal, inihain natin sa Kamara ang House Resolution No. 309.

Nais nating magkaroon ng imbestigasyon sa dam project kahit pa tiniyak ng DENR sa pamamagitan ng Environmental Management Bureau, na naglagay sila ng mga panuntunan sa Environmental Clearance Certificate (ECC) na kanilang ipinagkaloob sa MWSS.

Alam natin na nabigyan na ng “go-signal” ng Me­tropolitan Waterworks and Sewerage System at China Energy Engineering Corp. na simulan na ang pagpapatayo ng P18.7-billion Kaliwa Dam project kung saan nangako ang Department of Environment and Natural Resources na babantayan ang implementasyon ng Kaliwa Dam kasunod ng paggawad dito ng ECC. Tiniyak din nito na kanilang kakanselahin ang ECC kapag may nakitang paglabag at hindi pagsunod sa inilatag na kondisyon ng gobyerno.

Nakikita natin na ang probisyong nakapaloob sa ECC ay “tapik lang sa kamay” kaya dapat mas mabigat na parusa ang ipataw sa mga hindi tumatalima sa batas dahil sa malubhang epekto nito sa kapaligiran at komunidad. Ang proyektong ito ay pautang ng China sa ating bansa at sana’y huwag itong magsilbing patibong sa Pilipinas na kapag hindi nabayaran ng gobyerno ang pagkakautang ay hihi­ling ng kapalit.

Makakaasa ang ating mga kababayan na patuloy naming babantayan ang bawat kilos ng contractor ng Kaliwa Dam Project para siguruhin na sinusunod nila ang batas. Hindi natin papayagan ang sinuman na makapanlamang o labagin ang ating batas dahil kapag sila’y nagkasala, papanagutin natin sa batas. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)

238

Related posts

Leave a Comment