PAGTUTULUNGAN SA PAGHAHANDA SA 2023 FIBA WORLD CUP, KAILANGAN

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

ANG larong basketbol ang isa sa mga paborito at pinakaminamahal na laro ng mga Pilipino kaya’t hindi kataka-taka na marami ang masaya at nananabik sa nalalapit na pagdaraos ng FIBA Basketball World Cup sa ating bansa.

Batid ang kahalagahan ng kaganapang ito, ilang mga sikat na personalidad sa industriya ng isports gaya ng bagong upong Chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) na si Noli Eala ang nagpahayag ng buong suporta sa paghahandang ­ginagawa ng pribadong sektor at sa kampanya ng Gilas Pilipinas.

Hindi biro ang gagana­ping torneyo sa ating bansa dahil noon pang 1978 nang huling ginanap ang FIBA World Cup sa Pilipinas. Ngayon, sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng torneyo, ito ay gaganapin sa tatlong iba’t ibang bansa kabilang ang Pilipinas. Sinong mag-aakalang matapos ang halos limang dekada ng paghihintay ay muling mabibigyan ng pagkakataon ang Pilipinas na maging bahagi ng panibagong yugto ng kasaysayan ng basketbol.

Ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang punong abala sa kaganapang ito ngunit hindi ito nangangahulugan na dapat silang hayaan sa paghahanda. Ang tagumpay ng muling pagdaraos ng FIBA World Cup sa bansa ay nakasalalay sa pagkakaisa ng pribadong sektor, pamahalaan, at ng mamamayan dahil pare-pareho tayong nagdadala sa pangalan ng Pilipinas.

Noong ika-27 ng Agosto ay opisyal nang sinimulan ang countdown para sa nalalapit na FIBA World Cup. Isang taon mula sa petsang ito ay ­gaganapin ang torneyo sa bansa. Ito ay ­pinangunahan nina SBP Chairman Emeritus Manny V. ­Pangilinan, SBP President Al Panlilio, World Cup Chair ­Richard Carrion, local ambassador at 2018 Miss Universe Catriona Gray, at Tissot representative Denise Dy sa SM MOA kung saan pinaandar ang orasan na simbolo ng countdown.

Sa nasabing kaganapan, ipinahayag ni SBP President Panlilio ang kanyang pananabik sa nalalapit na pagdaraos ng torneyo. Aniya, talagang hinihintay niya ito mula pa noong maipanalo ng Pilipinas ang hosting ng FIBA World Cup noong 2017. Hindi kataka-takang nakatutok ang ­organisasyon sa mga paghahandang kailangang gawin para sa torneyo.

Bukod sa PSC, maraming iba pang organisasyon gaya ng Philippine Basketball Association (PBA), University Athletic Association of the Philippines (UAAP), at National Collegiate Athletic Association (NCAA) ang nagpahayag din ng buong suporta para sa gaganaping torneyo.

Ayon kay SBP ­Chairman Senator Sonny Angara, ­maraming turista ang dadayo rito para suportahan ang kani-kanilang mga bansa. Magandang pagkakataon aniya ito para sa industriya ng turismo.

Batid din ang kahalagahan ng pagkakataong ito, hinihikayat ni Head of the Senate Committee on Tourism Nancy Binay ang pamahalaan na gumawa ng ­inter-agency council na susuporta sa ginagawang mga paghahanda ng pribadong sektor upang masiguro ang tagumpay ng pangangasiwa sa torneyo at upang maging kaaya-aya ang karanasan ng mga turista sa bansa.

Kung paghahanda ang pag-uusapan, todo rin ang pagsasanay at pagpapalakas na ginagawa ng Gilas Pilipinas na siyang kakatawan sa Pilipinas sa torneyo. Kung iisipin, tila mahaba pa ang isang taon, ngunit mas mainam na maagang inumpisahan ang paghahanda para rito. Ako ay naniniwala na ang pagtutulungang ng iba’t ibang sektor ng bansa ang magsisilbing inspirasyon na siyang magdadala sa Gilas Pilipinas at sa ating bansa sa rurok ng tagumpay sa makasaysayang kaganapang ito.

Related posts

Leave a Comment