CLICKBAIT ni Jo Barlizo
MUKHA atang gustuhin niyo man o hindi na ang naghahari o nagrereyna sa Kagawaran ng Edukasyon sa bansa.
Nawiwili na sa mandatory na kung tatalupan ay lalabas na pagdidikta ang nilalaman. Mula sa mandatory ROTC, ngayon naman ay mandatory na isama ang boy scout sa basic education curriculum ang isinusulong ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte.
Isa raw itong paraan na tutulong sa paghubog sa mga kabataang Pilipino, na maagang mamulat sa disiplina at pagmamahal sa bayan.
Hindi ba kasama ang disiplina at pagmamahal sa bayan sa asignatura ng akademya?
Bugbog na ang mga bata sa mga itinuturong aralin, na lagi namang tinatalakay at ipinaaalala ang pagkakaroon ng disiplina, pagmamahal sa bansa at iba pang magagandang asal.
Nanawagan pa ang VP at kalihim sa Boy Scouts of the Philippines na tumulong para protektahan ang mga bata sa pang-aabusong sekswal, pang-aalipin, ilegal na droga, at panlilinlang ng teroristang Communist Party of the Philippines at terrorist group, New People’s Army, gayundin ang pagsali sa extreme religious violent extremism.
Ang bigat din ng mga rason ng paghingi ng tulong na humantong na naman sa bintang na ang nasabing mga grupo ay pumipitas sa pagkainosente ng mga bata at sumisira sa kinabukasan ng bansa.
Daming pasakalye patungo sa tinutumbok na paratang na terorismo.
Teka, kung ganyan lang naman mag-akusa ang kalihim ng edukasyon ay dapat kumalas na lang siya sa kagawaran at lubusan nang isagad ang trabaho niya bilang co-vice chairperson ng anti-insurgency task force National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Hindi masama ang multi-tasking kung nagagampanan naman nang mahusay ang bawat trabaho, at mapagaganda kung sinsero ang isipan at puso sa ikabubuti ng nasasakupan.
Saka, ano na ang nangyari sa GMRC? Kailangan pa bang gumastos ang mga magulang para sa uniporme, aktibidad tulad ng camping ng mga bata para lamang maging disiplinado at mapagmahal sa bayan?
Asikasuhin naman sana kung paano iaangat ang kalidad ng edukasyon at kondisyon ng kapaligiran ng mga eskwelahan.
Sana unahing siguruhin na wala nang mga mag-aaral na magkaklase nang nakalubog ang mga paa sa binabahang classrooms o kaya ay magklase sa ilalim ng mga puno o awditoryum.
Natitiyak kong maeengganyong mag-aral ang mga bata at hindi mahihikayat ng anomang grupo sa pagrerebelde kung ang nakakamulatan ay gobyernong mapag-aruga at mga ahensyang maayos na natutugunan ang kanilang mandato.
Paano matutupad ang MATATAG Agenda ng DepEd na layon ang transpormatibo, tunay, at inaasam na reporma sa basic education system?
Sa Reg-tagging, sa kung ano-anong mandatory?
Ang ginagawang proyekto ay para sana sa ikatatalino ng mga bata, kaso mandatory lagi ang iniisip kaya nagiging DIKTA na at sapilitan na lamang ang makikita.
Hindi ko masisisi kung may mga nag-iisip na pondo ang nasa likod ng panibagong posisyon ni VP Sara. Patunayan niyang mali ang mga ito.
Sarap nga raw ng maraming posisyon sa pamahalaan. Marami tuloy umaasam ng SARA OL, ayyy.. SANA ALL pala.
