HINDI pa talaga rumaratsada ang tag-ulan nagkasira-sira na ang tinatayang P500-M o kalahating bilyong pisong “slope protection project” sa kahabaan ng Sta. Rita River na tumatagos mula Brgy. Old Cabalan hanggang Brgy. Kalaklan ng Olongapo City.
Tingnan Natin: ang “slope protection project” ay panlaban sa pagguho ng lupa na, bukod sa panganib sa mga kabahayang matitibag, ay panlaban din sa pagbabaw ng ilog at resulta nitong pagbaha.
Binuhusan ito ng pondo at gana-gana ang mga contractor, at malamang, sina Edi – alam niyo na.
Pero sa kabila nito, balahura ang trabaho, walang pakialam sa nasayang na pondo at masamang epekto sa mamamayan ng Olongapo.
Tingnan Natin: proyekto ito ng Dept. of Public Works & Highways (DPWH), hindi ng Olongapo City government kaya ang may dapat ipaliwanag, kung hindi managot mismo, ay ang Zambales 2nd District Engineering Office ng DPWH sa ilalim ni District Engineer Hercules C. Manglicmot.
Tanong natin kay District Engineer Manglicmot: bakit nakalusot ang mga contractor ng proyektong ito?
Ano ang dahilan bakit po nagmistulang bulag, pipi at bingi ang DPWH Zambales 2nd Engineering District sa hinaba-haba ng panahong ginagawa ang proyekto?
Tingnan Natin: daan-daang milyong pisong pera ng bayan ang sinayang, at nanganganib pa ngayon ang mamamayan ng Olongapo sa pagguho at mga pagbaha.
Nagkaayusan ba ang DPWH at mga contractor kaya hindi na makapalag ang DPWH sa pagkabalahura ng proyekto?
Sa tinagal-tagal na ni Eng’r Manglicmot sa Zambales 2nd Eng’g District ng DPWH, tropa-tropa na lang ba niya ang mga contractor na sila na lang nang sila ang paulit-ulit na kunwari nakakakuha pero ang totoo ay binibigyan na lang ng kontrata?
Tingnan Natin: alam na kaya ito ni DPWH Sec. Mark A. Villar? At kung hindi pa, teka muna, bakit? Kung alam na, ano ang ginagawa niyang aksyon kay Manglicmot at mga contractor?
Sec. Villar, pakitutukan naman po ang problemang ito. Ninanakawan na ng pondo, nalalagay pa sa panganib ang buhay at mga ari-arian ng mga taga-Olongapo.
Hintayin natin ang aksyon si Sec. Villar? Tingnan Natin. (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)
316