PALPAK NA MANILA FIRE CHIEF HUMIHIRIT PA

ITO ANG TOTOO ni Vic V. VIZCOCHO, Jr.

KUMIROT ang dibdib ng maramimg Filipino sa pagkasunog ng Manila Post Office na nagsimula noong gabi ng Mayo 21 at tumagal ng tatlumpong oras, matapos matupok ang lahat ng laman-loob nito.

Ito Ang Totoo: Bukod sa halos isandaang taon mula nang itinayo, natatangi ang “iconic” na gusali ng Manila Post Office sa pusod ng Lungsod ng Maynila.

Kaya naman dismayado ang maraming mamamayan nang matupok ito ng apoy sa kabila na nariyan naman ang Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR) na bukod sa bigo at hindi naapula ang apoy, ay may mga tauhan pang nasugatan sa kabila na dapat ay may kasanayan at mayroong panang-galang ang mga ito na kung tawagin sa Ingles ay “Personal Protective Equipment.”

Ito Ang Totoo: Isa si Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Fire Chief Ranny D. Magno sa nanlumo sa sinapit ng Manila Post Office at naglabas ng saloobin kung paano sana epektibong naapula ang apoy sa naturang gusali, batay sa kanyang kaalaman, kasanayan at karanasan bilang ekspertong bumbero.

Nagbigay pa ng kalkulasyon si Magno kung gaano karaming tubig, kalakas na “pressure” at kung anong “equipment” ang kailangan na sasapat sa pag-apula ng apoy, hindi man karamihan at ka-sopistikado, pero hindi umano ginawa at ikinosidera ng BFP-NCR.

Ito Ang Totoo: Pumalpak na nga ang BFP-NCR, may gana pang buweltahan si Chief Magno ng isang C/Supt. Nahum B. Tarroza na nagpakilala bilang Regional Director ng BFP-NCR.

Nadungisan daw ang reputasyon ng BFP-NCR sa mga pahayag ni Magno kaya lumiham ito kay SBMA Chairman & Administrator Jonathan D. Tan at nag-“demand” na bawiin ni Magno ang mga pahayag at mag-“public apology”.

Tama ba na pagbigyan ang “demand” ni balat-sibuyas C/Supt. Tarozza na sa halip na pag-igihin na lang ang programa, pagsasanay at kahandaan ng kanyang mga tauhan, ay talagang nag-abala pang guluhin ang SBMA para magamot ang nasaktang niyang damdamin?

Ito Ang Totoo: Napakaraming makabuluhang bagay na dapat pagtuunan ng pansin ni SBMA Chairman Tan at ang “ego” ni Tarroza ay hindi na dapat makaabala.

Mabuti pa, busisiin ni Tarozza nang mabuti ang sanhi ng sunog para hindi na ito maulit at panagutin ang may kinalaman, sinadya man o hindi, ‘di ba dapat lang?

Siya nga pala, mali si Tarozza sa liham niyang sumbong kay Chairman Tan na ang sunog ay naganap noong May 22 dahil nagsimula ito ng alas onse quarenta y uno o 11:41 PM noong Mayo 21. Kung sa petsa pa lang ay sablay na si C/Supt. Tarroza, paano na kaya ang trabaho nitong pangalagaan laban sa sunog ang Lungsod ng Maynila? Ito Ang Totoo!

279

Related posts

Leave a Comment