PALYADONG PRAYORIDAD

HINDI na bago ang mga ­daing ng sektor ng ­akademya – siksikan kung hindi man kapos na silid-aralan, kawalan ng upuan, palyadong pasilidad sa mga eskwelahan, kakulangan ng guro at marami pang iba.

Pero sadyang kakaiba ang nagkalat na video ng mga mag-aaral na ­nagdaraos ng kanilang klase sa dating sabungan sa ­bayan ng Mulanay sa lalawigan ng Quezon.

May lumabas ding balita kaugnay ng mga estudyanteng tinipon at binahagian ng kaalaman sa loob ng isang sementeryo sa Cebu. ‘Di rin nagpaiwan ang klase sa ilalim ng dambuhalang puno sa covered court ng barangay at maging sa gilid ng isang kalsada.

Subalit sa halip na tugunan ang nakapanlulumong tagpong patunay ng lumalalang problema ng sektor ng akademya sa paglobo ng bilang ng mga mag-aaral, mas pinili pa ng Kongreso na katigan ang intelligence fund para sa Department of Education (DepEd)

Para saan nga ba ang P150-milyong intelligence fund para sa DepEd? Ayon sa pamunuan ng nasabing kagawaran, gagamitin ang naturang pondo para bantayan ang anila’y agresibong panghihikayat sa mga kabataan para kumontra sa pamahalaan.

Pero teka. Hindi nga ba’t trabaho ito ng National ­Intelligence Coordinating Agency (NICA) ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at iba pang ahensyang mandato’y may kinalaman sa pagsupil sa rebelyon, sedisyon at terorismo?

Kung mayroon mang ­angkop na buhusan ng pondo ang DepEd, ‘yun ay ang tugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa iba’t ibang paaralan sa lahat ng sulok ng ating kapuluan.

Ang totoo, higit pa sa istruktura ang mga silid-aralan. Ito’y pangalawang tahanan ng pamilyang kinabibilangan ng guro bilang ina at mga estudyante bilang mga anak. Sa loob ng silid-aralan hinuhulma ang mga kabataan, binibigyang kaalaman, tinuturuan ng tamang asal at inaakay patungo sa isang magandang kinabukasan.

Isa lang ang malinaw – walang magandang kinabukasan ang mga kabataang pag-asa ng bayan kung sila’y dadalhin sa mga sabungan!

5

Related posts

Leave a Comment