PAMBANSANG SEGURIDAD DAPAT PRAYORIDAD

NAGHIGPIT ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pag-iisyu ng visa sa mga Chinese na pumapasok sa Pilipinas.

Paliwanag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., may mga nang-aabuso sa paggamit ng visa kaya naghigpit ang gobyerno.

Ayon sa Pangulo, walang pinipili ang paghihigpit ng gobyerno, ngunit tila pinupunto ni PBBM ay ang mga Tsinong nasasangkot sa ilegal na gawain.

Ang isa pa sa pinansin ni Marcos Jr. ay ang student visa ng mga Chinese, na target din ng isang senador na talupan.

Dahil sa pagdagsa ng mga estudyanteng Tsino sa Cagayan, napag-alaman na noong 2023 ay pinagkalooban ng Bureau of Immigration (BI) ng student visas ang 16,200 Chinese.

Lumitaw ang hinala na maaaring pumasok sa bansa ang karamihan sa mga ito na taglay ang tourist visa.

Ito ang nagbunsod kay Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na himukin si Presidente Marcos na kanselahin ang Executive Order no. 285 ni dating Pangulong Joseph Estrada na nagbibigay kapangyarihan sa BI na i-convert ang tourist visa sa student visa.

Ang EO 285 ay nagbigay ng kapangyarihan sa BI na ikonbert ang tourist visa sa student visa dahil sa hangarin noon ng pamahalaan na maging pusod ng edukasyon ang bansa sa pamamagitan ng paghikayat sa mga banyagang estudyante na mag-aral sa Pilipinas.

Sinabi ni Barbers na dapat ibigay ang kapangyarihang ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) dahil taglay nito ang kadalubhasaan na tukuyin kung kwalipikado ang aplikante.

Walang masama kung dumadagsa ang mga banyagang estudyante sa bansa, ngunit sa sitwasyong maraming problema ang dulot ng mga nabigyan ng visa gaya ng mga manggagawa sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), ay dapat seryosohin ang paghihigpit sa pag-iisyu ng visa.

Sa kondisyon ngayon ng tumitinding tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas sa WPS, hindi maisasantabi ang hinalang ang ilan sa mga estudyante at trabahador sa POGO ay mga espiya.

Mas mahalagang matiyak ang pambansang seguridad kaysa pagpapalakas ng ekonomiya na inaasahang makukuha sa laksa-laksang banyagang estudyante at manggagawa na kaduda-duda ang paraan ng pag-aaral, pagtatrabaho at pananatili sa Pilipinas.

38

Related posts

Leave a Comment