PANAHON NA PARA BUMALIK SA NORMAL NA BUHAY

OPEN LINE NI BOBBY RICOHERMOSO

SUPORTADO natin ang hakbang ng pamahalaang Marcos na ipagpatuloy ang pagbabalik sa normal na gawi ng buhay ng ating mamamayan sa buong bansa, kagaya noong bago manalasa ang pandemya noong 2020.

Halos tatlong taon na rin naman na tayong nagtitiis na balot ng takot dahil sa epekto na dala ng COVID-19, na naging dahilan para huminto ang takbo ng buhay, nagsara ang halos lahat ng mga negosyo at naapektuhan din ang serbisyo ng gobyerno.

Mabuti na lamang at desidido si Pangulong BBM na tuluyan nang tuldukan ang takot na hatid ng pandemya at pinangunahan ang buong bansa upang makabangong muli.

Kailangan na kasi nating tanggapin ang katotohanan na mula ngayon ay mamumuhay na tayo kasama ang banta ng mga bagong virus at mga sakit na maaaring lumaganap anomang oras sa buong daigdig.

Pero sa halip na matakot at magpagapi kagaya noong u­nang manalasa ang COVID-19, kailangang labanan ito sa pamamagitan ng pag-iingat at patuloy na pagsunod sa itinakdang health protocols.

Sa totoo lang, sa kabila ng pananalasa ng COVID-19 nitong nakaraang dalawang taon ay hindi naman talaga naging pangunahing dahilan ng kamatayan sa bansa ang nasabing sakit.

Base sa tala ng Philippine Statistics Authority, ang numero unong killer disease sa bansa noong 2020, 2021 at maging hanggang sa kasalukuyang taon, ay ang sakit sa puso.

Ayon sa datos ng PSA na inilabas noong Pebrero, umabot sa 125,913 o katumbas ng 17.9 porsyento ang mga Pinoy na namatay dahil sa ischemic heart disease, na sinundan ng cerebrovascular disease na may bilang na 68,180 o katumbas ng 9.7 percent.

Pumangatlo lamang ang COVID-19 na dahilan ng pagkamatay matapos magtala ng 67,494 katumbas ng 9.6 percent.

Bakit ko binabanggit ang mga numerong ito?

Sapagkat gusto nating bigyang-diin na panahon na para bumalik sa normal na pamumuhay ang mga Pinoy, at isantabi na ang takot na hatid ng pandemya habang mahigpit pa ring sinusunod ang health protocols.

Sa ganyang paraan lang talaga natin malalagpasan ang bangungot na dala ng pandemya.

At isa sa pinakamagandang pagbuhusan talaga ng atensyon ng gobyerno ay ang pagbuhay sa industriya ng turismo.

Alam nating lahat na isa sa mga sector na talagang pinilay ng pandemya ay ang turismo na nagresulta sa pagkawala ng bilyon-bilyong pisong kita mula rito, at pagsasara ng libo-libong mga negosyo tulad ng transportasyon, mga hotel, at maging mga ­restaurant at iba pa na naging dahilan sa pagkawala ng milyon- milyong trabaho.

Kaya naman panahon na para muling bumangon ang turismo at magagawa natin ito kung sama-sama tayong magtutulungan at susuportahan ang mga programa ng pamahalaang Marcos kaugnay rito.

12

Related posts

Leave a Comment