PANANAW NI KA MAURO

KUNG pulitika ang pag-uusapan, naniniwala ako sa mga nakatala sa kasaysayan ng mga Pilipino, mga kaganapang hindi lamang sa mga aklat at peryodiko mababasa kundi sa mismong kwento ng mga taong saksi sa bawat pangyayaring lubhang nagpabago sa ating lipunan.

Isa riyan si Mauro Gia Samonte, premyadong direktor sa pinilakang tabing at isang iginagalang na peryodista. Sa edad na 80, malinaw na mas malawak ang kaalaman niya sa mga kaganapan sa pulitika lalo pa’t kilala siyang isang aktibista sa kanyang kakisigan.

Sa kanyang pag-iisa, libro at peryodiko ang kanyang pinagkakaabalahan. Malalim talaga pag-unawa niya sa lipunang kanyang ginagalawan.

Nang magawi ang usapan sa pag-atras ni Senador Bong Go, ibinahagi niya ang kanyang mga sapantaha, bagay na ­naging interesante lalo pa nang kanyang sambitin ang pangalan ni Heneral Antonio Parlade.

Paniwala niya, ang kontrobersyal na heneral ang babasbasan ni Rodrigo Duterte. Pwede rin naman, lalo pa’t tiwala ang Pangulo sa kanya pagdating sa kampanya kontra insureksyon.

Hindi sapat ang katagang yanig para ilarawan ang dagundong ng bawat salitang binibitawan ni Parlade. Noong aktibo pa sa serbisyo, bihirang magbitaw ng salita ang retiradong heneral na minsan nagsilbing tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), nasundan pa nang italaga sa sensitibong pwesto – sa National Security Council.

Sa kanyang ­pinakahuling patutsada, nawindang ang ­kapwa aspiranteng si Go. Aniya, sadyang maimpluwensya ang bawat bulong ni Go sa Pangulo. ‘Yan mismo, ayon kay Parlade ang dahilan kung bakit tayo nasadlak sa malaking sakit ng ulo.

Sa pitak ni Ka Mauro, ­malaking bagay ang basbas ng Pangulo sa karapat-dapat na magmana ng pwesto sa Palasyo – pero hindi si Go kundi si Parlade, base sa kanyang pagsa­saliksik sa kasaysayang naglalahad ng pag-upo ng isang mula sa Tanggulang Pambansa sa Palasyo sa tuwing ika-5 Pangulo.

Ayon kay Ka Mauro, si ­Heneral Emilio Aguinaldo ang una, kasunod sina Ramon Magsaysay at Fidel Ramos na kapwa nagsilbing Kalihim ng Department of National Defense (DND) bago naging Pangulo.

Sa mga aspirante sa Mayo, tanging si Parlade ang mula sa hanay ng militar, bagay na ayon kay Samonte ay pwedeng tadhana ni Parlade na aniya’y tanging solusyon sa insureksyon.

Sa puntong ito, mapapaisip ka na lang, si Parlade nga ba ang babasbasan ni Duterte sa pag-atras ni Go? Giit ko kay ­­Ka Mauro, baka nagkataon lang. Ang kanyang tugon – dikta ng tadhana.

(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

4

Related posts

Leave a Comment