PANAY-PANAY NA AKSYON SA SUMBONG NG OFW

SA aking programa sa DWDD 1134KHz na Bantay OFW ay limang kaso o sumbong ng mga OFW ang ating pilit na binigyan ng aksyon.

Dahil sa ang mga humihingi ng tulong ay nagmula sa mga OFW sa Riyadh, Saudi Arabia at sa Kuwait, kung kaya aking inimbitahan si Labor Attache Nasser Mustafa na humahawak ng post na Riyadh at Kuwait.

Akin din inimbitahan si ­Welfare Officer Atty. Llewelyn Perez ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang makatulong na mabigyan ng agarang solusyon ang problema na idinulog ng ­kapamilya ng OFW dahil sa kanilang kaanak na ­matagal ng hindi nakakausap.

Nakatutuwa na ang lahat ng mga problemang ating idinulog kay Labor Attache Nasser Mustafa at Atty. Llewelyn Perez ay agad nabigyan ng aksyon. Kabilang na rito ang sumbong ni Nanay Flora Ignacio, 62 years old na OFW na kasalukuyang nasa Al Khobar, Saudi Arabia.

Habang nasa ere ang aming programa ay nakausap namin sa pamamagitan ng video call si Nanay Flora at doon ay kanyang naisalaysay na siya ay matagal nang naninilbihan sa kanyang employer ngunit sa bandang huli ay pinagpapasa-pasahan sya sa pito (7) pang mga kamag-anak para maglinis ng tahanan at iba pang gawain. Siya ay nagpositibo sa COVID-19 virus kung kaya siya ay dinala sa ospital.

Dahil sa kanyang naging ­karamdaman ay dinala siya sa ospital at doon ay tuluyan na siyang inabandona ng kanyang employer. Labis ang kanyang pakiusap sa Bantay OFW upang siya ay madala na lamang sa Bahay Kalinga na siya ngang ginawa ni Labor Attache Mustafa kasunod ng ipinapatupad na health protocol na siya ay i-isolate.

Ipinangako ni Labor ­Attache Mustafa na matapos na ­makakuha ng exit visa si Nanay Flora ay kanya na itong isasakay sa susunod na chartered flight.

Nabigyan din ng solusyon at agarang aksyon ang problema na idinulog ni Rosemarie Dela Cruz ukol sa kanyang kapatid na si OFW Savacion Villaola na nasa bansang Kuwait.

Ayon sa kanyang sumbong ay sinaksaktan at binububog ng employer na isang pulis si OFW Salvacion Villaola. Matindi ang pangamba ni Rosemarie para sa kanyang kapatid dahil sa ­pinakahuling mensahe ni Salvacion sa kanya ay diumano ay pinagbabantaan na itong papatayin.

Sa pinakahuling larawan na kanilang nakita ay malinaw na tuluyan ng bumagsak ang kalusugan at pangangatawan ni OFW Salvacion.

Isang araw matapos ang programa ay ibinalita na sa akin ni Welfare Officer Llewelyn Perez na nasa pangangalaga na ng POLO-OWWA si OFW Salvacion at mayroon na rin itong ticket na pabalik ng Pilipinas.

Samantala, ay nabigyan na rin ng solusyon ang isa sa kasong aking una nang nailathala dito sa aking kolum na AKOOFW ukol sa nawawalang OFW na si Cesil Moralla.

Sa impormasyon na ­ipinadala sa akin ni OWWA Welfare ­Officer Yolanda ­Penaranda ay ­natagpuan na ito at ­kasalukuyang nasa ­pangangalaga ng ­kanyang ahensya sa Jeddah, Saudi ­Arabia.

Natanggap na rin nito ang kumpletong kabayaran ng ­kanyang sweldo at anumang araw ay maari na itong makauwi sa Pilipinas.

Nakakatuwa na ang aking programa sa radyo kasama si Alden Estolas at ang aking column na AKOOFW sa pahayagang Saksi Ngayon ay nagiging bahagi sa pagbibigay ng solusyon sa mga suliranin ng ating mga kabayani.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong s­umulat sa akin sa e-mail address na ­saksi.ngayon@gmai.com o ­drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 0908-1282864.

45

Related posts

Leave a Comment