PANDEMIC MAY NAIDULOT NA MAGANDA SA BUSINESS INDUSTRY

BIZZNESS CORNER ni JOY ROSAROSO

ISA na namang negosyante ang nagtagumpay sa kasagsagan ng pandemic. Iyan ay si Allan Paul Pancho na nag-umpisang magtayo ng pizza nang walang kapital, walang pwesto, at walang gamit.

Pero matindi ang determinasyon niya kaya taong 2020, bagama’t nasa pandemya, ay nag-isip siya ng pagkakakitaan o negosyo. Habang nag-iisip ay naalala niya ang pinsan na nagtatrabaho sa pagawaan ng pizza sa abroad. Tinawagan niya ang pinsan at nagpaturo kung paano gumawa at ano ang ingredients sa masarap na pizza.

Take note, kasagsagan ng pandemic kaya kung ano lang ang ginagamit niya sa kusina, ‘yun lang ang ginamit niya. Mano-mano ika nga. At doon nagsimula rin ang kanyang problema dahil wala naman siyang pwesto so papaano naman niya ibebenta ang produkto.

Hanggang nakita niya ang online page ng “Pabili ng Pagkain”. Ito ay page ng lahat ng gustong magbenta. Pwede mag-post ng pagkain, at dahil pandemic ay hindi naman pwedeng lumabas ang mga tao kaya pumatok ang delivery ng pizza ni Pancho.

Ang homemade dough pizza ay masarap at affordable ang presyo kaya patok sa customers.

Doon nagsimulang makilala ang dough pizza niya. Mayroon ding iba’t ibang flavor ang pizza niya gaya ng Hawaiian, Pepperoni, Bacon, Creamy Spinach, Chicken Arabic, Chicken Delight, at Stuffed crust pizza.

Dahil pumatok sa customer, unti-unting nakabili ng mga gamit si Pancho. Mayroon na siyang oven, dough mixer at iba pang mga gamit, pero patuloy siya sa pag-aaral para maka-discover pa rin ng ibang klase ng lasa at iba pang pizza menu.

Aniya, inabot siya ng apat na buwan sa pag-aaral kung paano gumawa ng pizza at nakatulong din nang malaki ang paulit-ulit niyang panonood kung paano gumawa ‘yung pinsan niya na siyang nagtatrabaho sa pagawaan ng pizza sa abroad.

Ngayon ay isa na siya sa tinaguriang best pizza makers at mayroon nang 100 reseller at napabilang din sa Top 10 Most Outstanding Sellers of the Year noong 2021 bilang isa sa may pinakamasarap na pizza store sa buong Batasan Hills. Taong 2022 naman ay nakapasok siya bilang Most Outstanding Seller and Good Service Pizza Quality.

Sa mga nagnanais pumasok sa ganitong larangan ng negosyo, paalala ni Pancho ay maniwala ka lang at pilit abutin ang pangarap, sabayan ng galing at maayos na serbisyo sa mga customer at maging malinis lalo na’t pagkain ang ating negosyo.

Iyan si Allan Paul Pancho na ngayon ay isa nang matagumpay na negosyante.

213

Related posts

Leave a Comment