PANDEMYA SINASAMANTALA NG CHINA

MARAMI ang nagtatanong sa akin, bakit daw mainit ang ulo ko sa China? Hindi raw ba ako natatakot sa China at baka kapag pumunta ako sa kanilang bansa ay hindi nila ako papasukin dahil naka-ban na ako?

Sagot ko: Hindi naman mainit! Ayaw ko lang ang ginagawa nila sa ating bansa lalong-lalo na ang pagsakop nila sa ating teritoryo sa West Philippine Sea at wala akong balak na pumunta ulit sa Mainland China.

Kung hindi papalagan ng lahing kayumanggi ang paggagago ng China sa atin, lalong lalakas ang loob nila na gaguhin tayo at baka akalain nila na tulad lang tayo ng kanilang mamamayan na sunud-sunuran sa kanilang komunistang pamamalakad at sinumang kokontra ay aarestuhin at ikukulong.

Bagama’t nasakop na nila ang malaking bahagi ng WPS na walang kahit isang balang ipinutok dahil mayroon tayong mga lider na nauuto nila, hindi pa rin nila nasasakop ang buong bansa at hindi yan mangyayari kahit kailan dahil alam ko, sa puso at diwa ng lahing kayumanggi, hindi sila papayag na maging probinsya tayo ng China.

Lalo akong naiinis dahil habang nasa gitna ng pandemya ang buong mundo dahil sa coronavirus disease 2019 na nagsimula sa kanilang bansa, ay patuloy ang pagpapalakas nila sa South China Sea.

Imbes na tulungan ang mundo kung papaano maka bangon sa pesteng ‘ikinalat’ nila ay patuloy nilang binu-bully ang mga claimants sa Spratly Island kasama na ang Pilipinas.

Anumang araw, magsasagawa ng military drill ang China sa SCS para i-display marahil sa mga claimant countries ang kanilang puwersa na sinuman ang babangga sa kanila ay madudurog lang sa kanilang military power.

Gagawin ito ng China habang nakalugmok ang mga bansa na mas may karapatan sa mga isla sa nasabing karagatan sa pandemyang nagsimula sa kanilang probinsya sa Hubei.

Kung talagang may malasakit ang China sa mga bansang naapektuhan sa COVID-19, tulungan nila ito. Hindi sapat na nagpadala lang sila ng face mask at iba pang protective gear ng mga frontliners, at tapos na ang kanilang resposibilidad.

Tandaan nila na sa kanila nagsimula ang virus na ito na ikinamatay na ng mahigit kalahating milyong tao sa buong mundo na kasama sa halos 11 milyong nahawa sa COVID-19.

Dahil sa virus na ito na itinago ng China kaya kumalat sa buong mundo, nalugmok ang ekonomiya ng maraming mga bansa kasama na ang Pilipinas. Marami ang naghihirap dahil nawalan ng trabaho at pagkakakitaan.

Pero imbes na ituon ng China ang kanilang atensyon sa pagtulong, mas abala sila sa lalo pang pagpapalakas ng kanilang puwersa sa South China Sea. Inaatupag nilang pagsamantalahan ang kalagayan ng mga claimants ngayong bagsak ang kabuhayan ng karamihan dahil sa pandemya.

Walang ipinagkaiba ang China sa isang kapitbahay na malaki ang katawan. Ginagamit nito ang kaniyang katawan para i-bully ang mga kapitbahay. Nagsisiga-sigaan ito sa kanilang lugar dahil ang akala niya walang babangga sa kaniya dahil malaki ang kanyang kaha.

Tuso ang tingin ko sa ngiti ni Chinese President Xi Jinping dahil habang ngingiti-ngiti sa mga kausap na kapitbahay ay gumagawa ng kabalbalan ang kanyang mga tauhan.

68

Related posts

Leave a Comment