PANGHA-HARASS NG CHINESE COAST GUARD SA PCG HINDI NA BIRO?

BALYADOR ni RONALD BULA

HINILING ni Senator Risa Hontiveros na maparusahan ang mga tauhan ng Chinese Coast Guard na nagtutok ng military grade laser sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na naglagay sa mga Filipino crew sa panganib.

Ang naturang insidente ay nagdulot ng ‘temporary blindness’ sa mga ‘crew’ na lulan ng barko.

Ayon kay Hontiveros, mataas na nga ang tensyon sa West Philippine Sea pero sa bawat araw ay mas lalong lumalala ang China.

Giit ng senadora, dapat may katapat na parusa ang harassment na ginawa sa mga Pilipino dahil bukod sa iligal na ang presensya ng China sa rehiyon ay nananakit pa ang mga ito sa ating mga kababayan.

Dagdag pa ni Hontiveros, kung gusto ng Chinese government na ipakita ang tunay na pamumuno sa rehiyon ay dapat na umakto ito nang responsable at atasan ang coast guard, navy at maritime nito na iwasan ang anomang hakbang na makapagpapalala sa sitwasyon sa West Philippine Sea.

Samantala, agad namang ipinare-refer ni Senator Chiz Escudero sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang insidente para agad na maipatawag ang Chinese ambassador sa bansa o agad na makapaghain ng diplomatic protest dito.

Samantala, kinumpirma naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang panibagong diplomatic protest na inihain ng Pilipinas laban sa China.

Kasunod ito ng mga agresibong galaw ng Chinese Coast Guard (CCG) kabilang na ang pagtutok ng military-grade laser sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal at ang mga mapanganib na pagmaniobra ng barko.

Ayon sa DFA, ipinadala nila ang diplomatic protest sa Chinese embassy noong February 14.

Iginiit ng DFA na ang mga hakbang ng CCG ay banta sa soberenya ng Pilipinas at sa seguridad ng bansa.

Nakadidismaya rin anila ito lalo na’t katatapos lamang ng state visit sa China ni Pangulong Bongbong Marcos kung saan nag-usap din sila ni Chinese President Xi Jinping.

Sinabi pa ni DFA Spokesperson Teresita Daza na may prerogative ang Pilipinas na magsagawa ng lehitimong mga aktibidad sa exclusive economic zone (EEZ) at sa continental shelf nito.

Aniya, walang karapatan ang Tsina sa Ayungin Shoal o sa alinmang teritoryo ng Pilipinas.

Hinimok din ni Daza ang China na tumalima sa mga obligasyon nito sa ilalim ng international law, kabilang na ang 1982 UNCLOS at ang 2016 Award sa South China Sea Arbitration.

Subaybayan natin!

@@@

Sa suhestiyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com.

138

Related posts

Leave a Comment