PANGILINAN AT HONTIVEROS, PABOR SA CYBER LIBEL NI NOYNOY AQUINO

NANG mahatulan sina Rappler Executive Editor Maria Ressa at dating Rappler Reporter/Researcher Reynaldo Santos Jr. ng pagkabilanggo ng anim na buwan hanggang anim na taon dahil sa paglabag sa probisyon hinggil sa cyber libel ng ­Cybercrime Prevention Act of 2012, sina Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Senador Ana Theresia “Riza” Hontiveros ang nanguna sa mga mambabatas na kumampi at nagtanggol sa dalawang mamamahayag.

Ito ang komentaryo ni ­Pangilinan: “Under the current political atmosphere of repression and authoritarianism, it would have been a surprise if Maria and Reynaldo were acquitted. The silencing of critics and the attacks on the media have been going on for three years now. If they think this conviction and the effort to stifle dissent will silence those critical of this administration, then I say to them, no way!”

Ganito naman ang pahayag ni Hontiveros: “First, they came for the journalists. We don’t know what happened after that. The attacks on the free press and journalists are a danger to our democracy and to us Filipinos.”

“[Their] conviction sends a chilling message to all: kung kritiko ka, pwede kang ipasara at pwede kang patahimikin,” patuloy ni Hontiveros.

Sabi pa niya: “Takot sila, kaya nila tayo pinapatahimik.”

Malinaw na si Pangulong Rodrigo Duterte ang sinisisi ng dalawang mambabatas kung bakit napatunayan ng korte na nakagawa ng kasong kriminal sina Ressa at Santos.

Sa takbo ng utak at tabas ng mga dila nina Pangilinan at Hontiveros, nakasaksak na sa kanilang isipan at nakadikit sa kanilang mga dila na bahagi ng mapanikil at kontra-demokrasyang rehimen ni Duterte ang pagparusa sa mga mamamahayag na tulad nina Ressa at Santos, partikular si Ressa.

Ngunit, hindi nanawagan sina Pangilinan at Hontiveros sa kawpa nila mga mambabatas na amiyendahan ang Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 upang mawala ang probisyon hinggil sa cyber libel.

Kung talagang malaki ang depekto ng R.A. 10175, dapat paspasang pinagtulungan nina Pangilinan at Hontiveros na mawala ang libelo sa nasabing batas bago matapos ang termino ni Duterte.

Ngayong nakita na ng dalawang senador kung gaano kabagsik ang probisyong ­isiningit sa R.A. 10175 ay ngayon sila magsasalita laban sa taong walang kinalaman sa pagkakabalangkas at pag-aapruba upang magkaroon ang bansa ng R.A. 10175 simula noong 2012.

Banggitin ko lang ang pananaw ng Samahan ng ­Progresibong Kabataan (SPARK) tungkol sa R.A. 10175 bago natin makalimutan ang naganap sa kasaysayan.

Idiniin ng SPARK: “We remember how [then President Aquino] used the law to scare off critics and now it will continue to be a tool against those who harm the interests of the ­government and the ­ruling class. History is now judging [Aquino] for [his] hypocrisy.”

Noong 2012, si Pangilinan ay senador na kabilang sa ­Liberal Party (LP) na ang pinuno ay walang iba kundi si Noynoy Aquino.

Sa panahong ‘yan ay wala akong natatandaang naging agresibo si Pangilinan at mga kasamahan niyang liberal upang huwag magkaroon ng seksiyon hinggil sa libelo sa internet o online sa panukalang batas laban sa cybercrime.

Kaya, huwag batikusin ni Pangilinan si Duterte sa desisyon ni Manila – Regional Trial Court Judge Rainelda Estacio-Montesa.

Sana binatikos nang binatikos ni Pangilinan si Montesa dahil kumbinsi siyang isyu ng ‘pagsingil’ ng karapatang mamahayag nina Ressa at Santos ang pinuntirya ng judge.

Hindi si Duterte.

Si Hontiveros naman na opisyal ng Akbayan party – list ay naging miyembro ng Board of Directors ng Philippine Heath Insurance Corporation (PhilHealth).

Walang ginawa noon si Hontiveros laban sa seksiyon ng cyber libel ng panukalang batas laban sa cybercrime.

Kung talagang totoong mahal na mahal ni Hontiveros ang kalayaan sa paglalabas ng mga balita at impormasyon laban sa mga taong mayroong ginagawang krimen ay dapat nagbitiw noon si

Hontiveros sa administrasyon ni Noynoy Aquino.Pagkatapos, pinangunahan niya ang kilos – protesta laban sa cyber libel.

Sana sinabihan din ni Hontiveros ang administrasyong Aquino ng ganito: “The attacks on the free press and journalists are a danger to our democracy and to us Filipinos.”

Literal na walang naging papel sina Pangilinan at Hontiveros sa planong sikilin at gipitin ni Noynoy Aquino ang press freedom.

Wala akong nabalitaang kinumbinsi nina Pangilinan at Hontiveros ang ‘batang’ Benigno na pagsabihan ang mayorya ng Senado na huwag isingit ang seksiyon na nagdeklarang mayroong libelo ang balitang maglalabas ng katotohanan na ilalagay sa online.

Ang tingin ko kung bakit ganyan ang ginawa nina Senador Pangilinan at Senadora Hontiveros ay dahil pabor sila sa cyber liber ni Noynoy Aquino.

Ang totoo, pabor na pabor pa nga sila.

103

Related posts

Leave a Comment