PANLILINLANG SA HALALAN

SAMU’T SARING problema ang na-PUNA natin mula umaga hanggang tanghali habang isinusulat natin ang kolum na ito hinggil sa naganap na eleksyon, (May 9 national and local elections).

May vote-counting machines (VCMs) ang pumalya sa iba’t ibang lugar, pasado namang alas-10 ng umaga ay hindi pa rin nagsisimula ang botohan sa Brgy. Greater Lagro, Quezon City, may lugar din na namatayan ng koneksyon ng kuryente at iba pang problema.

Lumabas na rin ang paulit-ulit na bumubungad sa mga botante sa tuwing may eleksyon, ang pagkawala ng kanilang mga pangalan sa master list na nasa polling precincts.

May mga panlilinlang ding lumabas na binago ang orihinal na no. 7 ni BBM na ginawang no. 10 na ipinost sa social media.

Nauna nang may inaresto ang pulisya noong Mayo 8, 2022 sa Naic, Cavite dahil sa ­pagkakasangkot sa vote buying na nakilalang sina Remedios Tubal y Sierra at Noelito Perlas y Mojica.

Ang dalawa ay kinasuhan ng paglabag sa Section 261 ng BP 881 (Omnibus Election Code).

Nakumpiska sa dalawang suspek ang pera na gamit nila sa pamimili ng boto at paraphernalia ng kandidato na kanilang dinadala.

Kung mahaharap sa kaso ang dalawang pasaway na ito ay dapat managot din sa batas ang dinadala nilang mga kandidato.

Ang kanilang ginagawa ay hindi sila ang makikinabang kundi ang politiko na nagbigay sa kanila ng pera para ipambili ng mga boto.

Maaaring kumagat lamang sila kapalit ng kabayaran ng kanilang serbisyo sa politiko na kanilang pinaglilingkuran.

Ang ganitong klaseng mga panlilinlang ay hindi makapag­bibigay ng pag-unlad ng Pilipinas kundi ito pa lalo ang ­magpapalubog sa ekonomiya ng bansa.

Kung sa panahon ng eleksyon ay gusto nilang dayain ang sagradong pagpili ng botante ng kanilang napiling kandidato ay wala rin tayong maaasahan sa kanila na gagawa sila ng magandang serbisyo sa taumbayan ‘pag sila ay nanalo sa kanilang posisyon na tinakbuhan.

Ang ibinoto nating mga kandidato ang magiging susi para hindi na iiwan ng mga magulang ang kanilang mga anak para lang magtrabaho sa abroad dahil sa kawalang oportunidad dito sa ­ating bansa.

Sila rin ang magiging susi para magkaroon ng maraming trabaho sa sarili nating bansa.

Kaya dun sa mga nagpa­gamit ng panlilinlang para sa mga mandayarang kandidato, konsensiya n’yo na ‘yan kung bakit pagdurusa ang mararanasan natin sa loob ng tatlong taon sa lokal na posisyon at anim na taon sa nasyonal na posisyon.

Ang natanggap n’yong pera sa pakikipagsabwatan sa mga mandarayang tao ay saglit n’yo lang mapapakinabangan, ­samantalang kung matinong kandidato ang ating ibinoto, ay habangbuhay natin ito ­mapapakinabangan pati na rin ng ating mga anak at susunod na henerasyon.

Lord, nawa’y ang mamayani sa eleksyon ay ang katotohanan at hindi ang nandaraya.

Walang bibitiw hangga’t hindi pa natatapos ang bilangan, protektahan natin ang ating mga karapatan na pumili ng ating gustong kandidato.

Pagpalain po tayo ng Poong May Kapal!

oOo

Para sa suhestiyon at ­reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

118

Related posts

Leave a Comment