PANSAMANTALANG GINHAWA

MAKAKAHINGA nang maluwag ang mga parokyano ng tren. Pansamantala nga lang.

Nag-aalala sa epekto sa ekonomiya ng dagdag pasahe sa LRT-1 at LRT-2, kaya inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Transportation (DOTr) na ipagpaliban ang planong pagtaas.

Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na pag-aaral nang mabuti ang magiging epekto nito sa mga pasahero.

Pag-aaralan pa lang ang magiging epekto nito sa ekonomiya gayong nasa bukana na ng implementasyon?

May mga konsultasyon, deliberasyon at pag-aaral na siguradong naisagawa kaya humantong na sa planong implementasyon.

Ang pagpapaliban ay pabor sa mga mananakay, ngunit higit ang pakinabang ng mga pasahero kung tuloy ang dagdag pasahe dahil gagamitin ito ng dalawang lines para mapabuti at mapahusay ang kanilang serbisyo, mga pasilidad at teknikal na kakayahan.

Ano ang tunay na motibo ng direktiba ng Pangulo? Tila panandaliang glorya o ginhawa lang ito. Gumawa lang ng problema para sila rin ang lulutas nang mapabilib ang publiko sa solusyong agad na ikinalso.

Epekto sa ekonomiya ng dagdag pasahe ang pag-aaralan o gusto lang ipakita ng administrasyon na may ginagawa sila laban sa inflation?

Tiyempo ang pag-aaral sa epekto ng dagdag pasahe sa lumabas na survey (totoo man o hindi ang resulta) na karamihan sa mga Pilipino ay hindi masaya sa estratehiya o diskarte ng administrasyong Marcos sa pagkontrol ng inflation.

Malamang totoo ang numero dahil taasan nang taasan ang presyo ng mga bilihin. Pero kailangan ng pruweba na may ginagawang aksyon at pangontra kaya, ayan, ipagpapaliban ang dagdag pasahe sa LRT-1 at LRT-2.

Kinakagat kasi ang mga survey na bago siguro isinapubliko ay naibulong na.

Huling nagtaas ng pamasahe sa LRT-2 at MRT-3 noong 2015. Ang LRT1 matapos maisapribado noong 2015 ay naghain ng apat na petisyon para sa fare adjustments mula 2016 hanggang 2022, subalit tinabla.

Tagal nang walang increase kaya tagal na ring nagtitiis ang mga pasahero sa kalidad ng serbisyo ng dambuhalang bagon sa riles.

100

Related posts

Leave a Comment