PARA KANINO BA ANG KALSADA?

KAALAMAN Ni Mike Rosario

MASARAP makita na hindi nahihirapan ang mga commuter ‘pag nakikita mo na mabilis ang mga bus na dumadaan sa EDSA dahil sa bus lane.

At lalong napakasarap isipin na may batas na umiiral sa Pilipinas kung nababasa mo sa social media SPORTS CAR, na ang dumaan sa bus lane ay pinadadalhan ng subpoena, SUV na nangahas dumaan sa naturang linya ay sinuspinde ang lisensya, astig na astig tingnan ang batas natin, walang inuurungan at talaga namang ginagamit ang kanilang kapangyarihan para ipatupad ang batas.

Subalit sa araw-araw na pagdaan ko sa EDSA, lagi kong nakikita ang mga naghahabaan na convoy na dumadaan sa naturang fast/bus lane.

Mga wang-wang na halos mabangga na nila ang mga private na sasakyan, mga sasakyan na ang nakatatak ay ‘for official use only’, kaya tuloy sumasagi sa ating isipan ang katanungang, para saan ba talaga ang bus lane?

Sa tingin ko kasi ginawa ito para sa mga maimpluwensyang politiko, para sa mga official na ayaw makaramdam ng traffic, ‘yan ang pansin ng ating Kaalaman, sa araw-araw na pagdaan natin sa EDSA.

Isa sa napansin natin ang nagsusulputang maraming mga ambulansya kapag rush hour na, okey lang naman talaga ‘yan at dapat nating pagbigyan dahil buhay ang hinahabol nila baka kamag-anak mo pa ang ilang sererbisyuhan nila.

Kaya lang magtataka ka talaga na tuwing rush hour sila nasa kalsada kaya tanong ulit natin, hindi kaya mga maimpluwensyang official ang nakasakay dito at ayaw ng traffic?

Alam kong ‘di naman lahat, pero sa tingin ko marami diyan, ang service na ng mga politiko ay ambulansya.

Bilang isang pribadong mamamayan, iisa lang ang gusto natin, ang batas na paiiralin sa lahat ang disiplina na nagmumula sa taas, at ang pagmamahal sa bayan na nagmumula sa puso.

Nakaiirita lang maramdaman na ang mga gumagawa ng batas at mga tagapagpatupad ay sila mismo ang unang sumusuway dito at lumalabag.

Sa araw-araw na pagtayo ko sa Mindanao Ave., Quezon City na alam naman ng lahat na napakarami na ring sasakyan dito, maraming commuter ang nagsasakripisyo sa traffic pati na rin ang mga pribado tapos dadaan ang napakaraming convoy.

Minsan higit sa sampung sasakyan, sa takot ng iba sa wang-wang, umiiwas na lang sila at ang resulta minsan, sila-sila nagkakasagian dahil sa pagbibigay nila ng daan sa napakahabang convoy.

Dahil pag ‘di ka umiwas malamang mumurahin ka minsan o sisigawan ng mga nakasakay sa haggard na motor, sila ‘yung mga naka-advance o lagi nasa unahan at hulihan ng maraming 4wheels.

Sana lang ilimita na rin ito ng batas natin, sa aking pananaw, at sa ilang mga nakakausap at nakararanas ng ganitong senaryo, pananapak ito sa mga mahihirap na nasa kalsada at pagpapakita ng kanilang kapangyarihan sa kalsada.

60

Related posts

Leave a Comment