Bagama’t nasa kultura nating mga Filipino ang sinasabing close family ties, may pagkakataon pa rin na nagiging isyu ito kapag nag-iiba na ang panahon lalo na para sa ating mga dumaraming senior citizens.
Nangyayari ito dahil naiiba na rin ang henerasyon ngayon, gayundin ang uri ng pamumuhay kaya’t parang nababalewala at nawawalan din ng tamang atensyon para sa mga senior.
At habang dumarami ang ating mga senior citizen ay nag-iiba rin naman talaga ang kanilang mga pangangailangan o hamon sa buhay. Marami na silang mga pangangailangan na hindi na tulad ng dati, dahil na rin sa kanilang mga edad. Ito ay mula sa kanilang kalusugan hanggang sa kanilang mga karapatan sa lipunan.
Iba kasi ang mga senior sa atin, talagang masasabi mong matatanda na at marami sa kanila ang may taglay nang samu’t saring sakit. Kaya nakalulungkot mang isipin na maaga rin ang iba sa kanilang lumilisan sa mundo na bago pa man ay salat sa tunay na mga bagay na dapat ay maibigay sa kanila nang buo.
Mabuti na lamang na anumang araw mula ngayon ay maisasabatas na ang National Commission of Senior Citizens na sasaklaw sa mga bagay na ito.
Lagda na lang kasi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang at mas matututukan na ang pangangailangan ng naturang uri ng mamamayan kaya may matatakbuhan na talaga sila.
Kung tuluyan nang maisasabatas, ang central body na malalagay sa ilalim ng Office of the President ay lilikha para masiguro ang pagkakaroon ng mga batas, proyekto, at mga plano na sesentro sa kapakanan ng senior citizens.
Ang tumatayong may-akda ng nasabing panukala ay si Senior Citizen Party-list Rep. Francisco Datol Jr.
Sana maging malinaw talaga sa komisyong ito, gaya ng inaasahan sa NCSC ay sasaklaw dito ang istriktong mga alituntunin sa kanilang pangangailangan tulad ng mga nararapat na pondo para sa kanila tulad ng mga gamot, pangangailangan sa mga doktor, ospital, allowance o pinansyal na benepisyo, at iba’t iba pang serbisyo na suportado ng ating pamahalaan.
At kung matutuloy na ito sana ay samahan na rin natin ang mga senior na idulog o ilapit sila sa pamahalaan at mapabilang sa mga nilalaman o plano ng naturang komisyon. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)
154