KAALAMAN ni Mike Rosario
HINDI dapat tantanan hangga’t walang napapanagot sa nasa likod ng pag-iimbak ng 990 kilos ng shabu sa WPD Lending Company sa Maynila na pagmamay-ari ni Police Master Sergeant Rodolfo Mayor.
Si Mayo ay nakatalaga sa Police Drug Enforcement Group (PDEG) na pinamumunuan ni Brig. Gen. Narciso Domingo nang mahuli siya ng mga awtoridad.
Base sa impormasyon na natanggap ng KAALAMAN, nadiskubre ang 990 kilos ng shabu na nakaimbak sa WPD Company noong Oktubre 8, 2022.
Sa operasyon na ito ay magkakaiba ang naging desisyon ng mga opisyal ng pulisya na naging dahilan kaya napilitan silang arestuhin si Mayo na nagmamay-ari ng WPD Company kung saan nakuha ang 990 kilos ng shabu.
Sa ating pagkakaalam, ilan sa mga opisyal ng PNP na dumating sa operasyon ay ayaw hulihin si Mayo kahit pagmamay-ari niya ang WPD Lending Company na nakuhaan ng P6.7 bilyong halaga ng shabu.
Una, pinosasan at ilang sandali ay pinakawalan at bandang huli ay tuluyan na siyang hinuli hanggang sa madiin siya ngayon.
Ang tanong: Sino sa mga opisyal ng PNP ang ayaw pakasuhan si Mayo? Tiyak na may kinalaman siya sa operasyon ni Mayo.
Saan nagmula ang 990 kilos ng shabu sa WPD Lending Company ni Mayo?
Ito ba ang tinatawag na recycled shabu na nagmumula sa mga nakumpiska sa mga operasyon ng mga awtoridad?
Ang WPD Lending Company ba ni Mayo ay extension office ng PDEG?
Bakit siya nagkaroon ng ganoon karaming shabu sa kanyang tanggapan?
Tama lang ang ginawa ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na pinag-leave niya ang mga opisyal ng pulisya na may kinalaman sa nasabing operasyon na ‘yan.
Siyempre, may ikinanta na si Mayo kung sino ang mga opisyal ng PNP ang nasa likod niya kaya nanggagalaiti si Abalos.
Ganoon kalala ang operasyon ng sindikato ng illegal drugs sa hanay ng mga awtoridad.
Kaya hindi nakapagtataka kung bakit hanggang ngayon ay hindi nawawala ang pagkalat ng ilegal na droga sa iba’t ibang panig ng bansa.
Imposibleng dumami ang ilegal na droga sa Pilipinas kung walang nasasangkot na nasa awtoridad.
Ngayon malinaw na sa ating isipan na kaya patuloy ang pagkalat ng illegal drugs sa bansa ay dahil sa pagkakasangkot ng mga awtoridad.
Kung hindi maparurusahan ang mga opisyal na nasasangkot sa ilegal na aktibidad na ito ay hindi mawawala ang problema natin sa ilegal na droga na ito.
179