PASAKIT ANG GOBYERNO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

IMBES na pagaanin ang buhay ng mga tao, mistulang ang gobyerno pa ang nagiging pasakit at nagpapahirap sa mamamayan na kanilang dapat pagsilbihan.

Tulad na lamang nitong bagong patakaran ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa mga Filipino na lalabas ng bansa na dagdag pahirap at parang sinasabi sa lahat na huwag kayong umalis ng bansa.

Mas malupit pa ang bagong guidelines ng IACAT sa hinihinging dokumento ng ibang bansa kapag nag-a-apply ka ng visa na kinatatakutan ng ilang mambabatas na baka lalong lumala ang katiwalian at extortion sa immigration.

Kaisa tayo na labanan ang human trafficking dahil inilalagay ng sindikatong ito sa panganib ang buhay ng ating mga kababayan na nagnanais na makapagtrabaho sa ibang bansa lalo na’t walang oportunidad sa Pilipinas.

Pero ika nga ng iba, bakit mo susunugin ang buong bahay para mahuli mo ang pesteng daga? Bakit ang lahat ng mamamayan na nais mag-unwind sa ibang bansa o kaya nais dalawin ang kanilang mga mahal sa buhay, ang pahihirapan mo para lang mahuli mo ang human traffickers?

Iniisip tuloy ng marami na bigo ang gobyerno na mabuwag ang human traffickers sa kabila ng sangkaterbang intelligence funds ng gobyerno kaya pahirapan na lang ang mga Filipino na gustong umalis at maging turista sa ibang bansa.

Sa nakaraang mga panahon, ang kuwento ng mga biktima ng human trafficking ay may kasabwat ang kanilang mga recruiter sa airport kaya sila ay nakakaalis kahit kuwestiyonable ang kanilang mga papeles.

Ibig sabihin, hindi ang mga Filipino na gustong pahirapan, ang problema kundi ang sistema at corrupt officials at mga empleyado sa Bureau of Immigration (BI), kaya kung mayroong dapat pahirapan ang gobyerno ay ‘yung sarili nilang mga tao.

Saka paglabag ‘yan sa constitutional rights ng mga Filipino na bumiyahe hanggat wala silang kinakaharap ng kaso sa bansa pero hindi ikinonsidera ng IACAT, dahil sa kagustuhang magtagumpay sa kanilang laban kontra human traffickers.

Mawawalan na rin ng silbi ang ‘right to privacy’ ng mga Filipino dahil malalaman ng BI officers ang laman ng kanilang bank account na isa sa mga dokumentong kailangang ipakita para patunayan na financially capable ka para mamasyal sa ibang bansa.

Kung talagang gusto ng gobyerno na tapusin ang human trafficking, magsikap sila na bigyan ng trabaho ang mga Filipino, bigyan din ng nakabubuhay na sahod dahil kapag nangyari ‘yan, wala nang Pinoy na magtatrabaho sa ibang bansa.

 

Kaya may biktima ng human trafficking, hindi lang sa Pinas kundi sa buong mundo lalo na sa third world countries, ay dahil wala silang mapasukang trabaho sa kanilang bansa at malala ang kahirapan sa kanilang bayan na sinasamantala naman ng mga sindikato para sila ay biktimahin at pagkakitaan dahil alam ng mga alagad ni Satanas na kapit sa patalim ang mga ito.

 

Huwag niyo naman pahirapan ang mga tao. Hindi nila kasalanan kung bigo kayo sa inyong laban kontra sa human trafficking. Gamitin n’yo ang intelligence at confidential funds n’yo para mabuwag ang sindikato.

140

Related posts

Leave a Comment