PATIKIM PA LANG PISONG FARE HIKE

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA mga sasakay ng jeep, may nag-aabang sa inyo sa Linggo, Oktubre 8 – ang pisong taas-pasahe na pansamantala lang.

Inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P1 provisional o temporary fare increase sa mga tradisyunal at modern jeepney sa buong bansa na magiging epektibo nga simula Oktubre 8.

‘Di bale, lagi naman daw handa ang mga Pilipino. Matiisin at kakayanin ang dagdag pasakit.

Idadaan na lang ba sa buntong hininga ang pagkadismaya sa isa pang pahirap habang nagkakandakuba na sa taas ng mga bilihin?

Teka, may paalala ang LTFRB sa publiko! Ang inaprubahang pisong pansamantalang taas-pasahe sa mga pampublikong dyip ay idadagdag lamang sa minimum fare. Minimum fare lang ang magbabago at hindi ang pamasahe para sa mga susunod na kilometro. Dahil dito, hindi na kinakailangan ng mga tsuper o operator na magpaskil ng taripa.

Iyon naman pala. Dagdag kita sa mga driver pero karga-pasanin sa mga commuter.

Isipin mo na kapag 10 beses kang sumakay ay P10 rin ang madaragdag sa inilaan mong pamasahe.

Pasakit ito sa mga nagtatrabaho at sa lahat ng commuter na naghihigpit ng sinturon para mapagkasya ang kita.

Saka, pansamantala lang ang pisong dagdag. Lalong mabubugbog ang mga commuter kapag inaprubahan ng LTFRB ang pangunahing petisyon ng ilang transport group tungkol sa taas-pasahe.

Dinidinig pa ang petisyon at dedesisyunan para sa mas mataas na permanenteng dagdag-pasahe na isasagad sa limang piso.

Ito ang nakapanlulumong inaabangan kaya habang panay ang dagdag mo ng piso sa ngayon, ay ihanda mo na ang sarili sa mas mataas na presyo ng bawat abang mo ng jeep.

Kasi ba naman, gumastos pa ng napakalaking halaga para sa subsidiya ng mga drayber sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo gayung dagdag-pasahe rin pala ang busina ng gobyerno.

Sinangkalan ang pantawid pasada.

Band-aid solution dahil ayaw tingnan ang tunay na dahilan ng problema sa walang prenong pagtaas ng presyo ng krudo.

Walang ginagawa ang pamahalaan para maawat ang umaarangkadang taas-presyo ng krudo kaya ang resulta: dagdag-pasahe na babalikatin ng taumbayan.

Puwede namang bawasan ang buwis sa langis para bumaba ang presyo nito. Bakit hindi magawa ng pamahalaan?

Baka ayaw mabawasan ang pang-confi at intel?

Glorya sa mga nasa puwesto, dusa naman sa publiko.

Tapos, aasarin pa ang taumbayan ng tanong na kaya pa ba?

BUMUBULUSOK SI INDAY

Segue lang tayo sa pahayag ni VP Sara Duterte sa kanyang pagdalo sa 122nd Police Service Anniversary ng Philippine National Police Regional Office 13.

Sabi niya, ang mga taong kumokontra sa pondong laan sa peace and order ay ayaw ng kapayapaan. May tama naman siya dun pero iyon ay kung ang mandato niya ay may kinalaman sa peace and order.

Patungkol pa rin kasi ito sa kanyang ipinaglalabang confidential at intelligence funds na mukhang buburahin ng Kamara.

Bakit hindi niya hayaan sa security forces ang pagpapanatili ng kapayapaan?

Baka kaya hindi niya nasagot ang tanong sa kanya sa Senado dahil hindi niya talaga alam ang mandato ng bise presidente at Department of Education?

Huwag niyang sisihin ang mga kumukwestyon sa kanyang confi at intel funds sa pagbulusok ng kanyang trust at approval ratings dahil tulad ni Pres. Bongbong Marcos, pareho lang silang pinagdududahan na ng taumbayan.

83

Related posts

Leave a Comment