PBBM, ANO NA?

PUNA ni Joel Amongo

BAGAMA’T ngayong katapusan pa ng buwan, o sa Hunyo 30, mag-iisang taon sa panunungkulan si PBBM ay hinahanapan na siya ng kanyang mga nagawa.

Napansin ng ilan na simula nang pumasok ang administrasyon ni PBBM noong nakaraang Hunyo 30, 2022 at hanggang ngayon ay nagbalikan na ang illegal na droga sa bansa.

Ayon sa sumbong sa PUNA, sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay halos 60% ng illegal aktibidad sa droga ang nabawas, subalit sa pagpasok ni PBBM ay ‘back to normal’ ang

kanilang illegal na aktibidad sa bansa.

Maging ang tinatawag na ‘street pushing’ o bentahan ng illegal na droga na tila bentahan ng candy na lamang sa sari-sari store, ay talamak na naman.

Lalo pang nawindang ang kasalukuyang administrasyon sa pagkakasangkot ng ilang matataas na mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa illegal na aktibidad ni Sgt. Rodolfo Mayo na nahulihan ng 990 kilos ng shabu sa pagmamay-ari nitong WPD lending company sa Maynila.

Matatandaang kamakailan, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na may tangkang cover-up sa operasyon laban kay Sgt. Mayo.

Sa pagdinig sa Senado na pinamunuan ni dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” dela Rosa, lumalabas na may sangkot na mga opisyal ng pulisya sa illegal na aktibidad ni Mayo.

May nakawan pa ng 42 kilos ng shabu mula sa nasabing 990 kilos na kagagawan din ng ilang kagawad ng pulisya.

Bukod sa “back to normal” nang illegal drugs ay nagbalik na rin ang iba pang illegal na gawain tulad ng jueteng at iba pang sugal.

Maging sa Metro Manila ay “back to normal” na rin ang operasyon ng mga sugal.

Pinansin din ng ating tagasubaybay na hindi na bumalik sa normal ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Maging ang presyo ng mga produktong petrolyo ay nananatiling mataas na labis na nakaapekto sa mga Pilipino partikular sa mga tsuper.

Kaya tuloy napagkukumpara ang administrasyon ni dating PRRD at ni PBBM.

Sinasabing sa ilalim ng administrasyon ni dating PRRD ay natakot ang mga nasasangkot sa illegal na droga.

Sa ilalim naman ni PBBM, imbes na mabawasan ang illegal na aktibidad na may kinalaman sa illegal na droga ay “back to normal” na sila.

Baka naman magbago pa, matagal pa naman matapos ang panunungkulan ni PBBM, hindi naman tumitigil ang kanyang administrasyon sa pagkilos kung paano lalabanan ang illegal na droga.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

121

Related posts

Leave a Comment