PBBM, DAPAT MAG-INGAT SA HALIK NI HUDAS

BISTADOR Ni RUDY SIM

TILA lumalabas na ang tunay na hidden agenda ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) kasapakat ang ilang presidential appointees na nakapaligid sa Pangulo na inunahan ang kusang pagbibitiw sana ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez bilang Executive Vice President ng partido, dahil sa natunugan nito ang kanilang balakin na sibakin si Atty. Rodriguez, kalakip nito ang kanilang ipinalaman na personal na paninira at walang basehan sa dating opisyal na agad naman nitong pinalagan at nilinaw ang isyu.

Upang sirain ang kredibilidad ni dating ES Rodriguez ay ginamit ng partido ang dahilan na “Loss of trust and confidence” ngunit kung ­ating pagbabasehan ang matapang na naging sagot ng dating opisyal sa isang TV interview, ay naging biktima lamang ito ng maruming laro sa pulitika dahil sa kanyang brand of leadership at katapatan kay PBBM.

Halatang paghihiganti lamang laban kay Atty. Rodriguez ang 11 pages ng resolution na inilabas ng PFP na sampal din sa kanilang pagmumukha dahil ang mga ito ay walang basehan at mga malisyosong paratang lamang. Pagtataksil bang matatawag ang pagiging tapat sa bayan kung saan ay hindi pumasa sa executive department ang aplikasyon ng mga nais magkaroon ng puwesto sa pamahalaan kahit hindi ito qualified?

Sa anim na buwang panunungkulan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay marami pa rin ang mga bakanteng puwesto sa ilang ahensya ng pamahalaan na hanggang ngayon ay target pa ring makuha ng ilang animo’y mga linta sa bagong administrasyon na siyang nagpaparamdam kay PBBM sa utang na loob nito sa mga tumulong sa kanya sa panahon ng eleksyon.

Isang report ang kumakalat sa social media na bago matapos ang taon ay binabalak umanong pakialaman at sibakin ni Mang Lucas ­Bersamin ang appointees na umaabot umano sa 1,500 na pinirmahan umano ni dating ES Rodriguez. Teka! Hindi ba’t tanging si PBBM ­lamang ang may kapangyarihan na mag-appoint at hindi si Rodriguez? Ito kaya ang kanilang plano upang ilagay sa puwesto ang kanilang mga bata kahit hindi qualified?

Ang halik ni Hudas ang dapat na pag-ingatan ni PBBM mula sa nakapaligid sa kanya na sa panahon ng kahirapan ay wala sa kanyang tabi at ngayong nasa kapangyarihan ay animo’y mga nagmamalasakit na may maitim palang balakin upang masungkit ang kanilang gusto at maaaring ito ang magpahamak sa kanya patungo sa kalbaryo ng pagpako sa krus.

Imbes na tulungan ng mga ito ang Pangulo na makalampas tayo sa mga hampas ng patuloy na kahirapan, at sa paglaban sa pandemya, ay tanging ang kanilang pansariling interes ang kanilang inaatupag upang magpayaman gamit ang kapangyarihan sa pamahalaan.

Sana’y maging aral na kay PBBM ang nangyari sa kanilang pamilya na dahil sa mga maling taong pinagkatiwalaan ng kanyang ama na uhaw sa kapangyarihan, ang siyang nagpabagsak sa kanila noong 1986 EDSA Revolution.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

208

Related posts

Leave a Comment