PCUP, LGU HOY GISING!!!

PUNA Ni JOEL AMONGO

KAHIT na malalawak ang lupain ng isang pamilya, kung wala namang silang cash na pera ay maaari itong maglaho na parang bula sa panahon ngayon.

Marami sa mga tao ang bumibili ng lupa para mag-invest dahil mabilis na tumataas ang halaga nito makalipas lang ang ilang taon.

Ang lupa ay hindi rin agad mawawala na tulad ng pera na madaling gastusin kaya magandang mag-invest ng lupain.

Totoo naman na mabilis tumaas ang halaga ng lupain – ‘wag lang itong pamamahayan ng mga “professional squatter” na alaga ng mga corrupt na local government officials na nakasasakop sa pag-aari mong lugar.

Dahil sa ganitong sitwasyon – kahit na kampihan ka pa ng korte dahil ikaw ang legal na may-ari ng lote, aabutin ka ng siyam-siyam, ‘di mo pa rin ito mapakikinabangan, dahil sa kung ano-anong butas at pamamaraan ang nahahagilap ng mga LGU na nakikinabang sa iyong lupain.

Isang halimbawa natin dito ang kaso sa lupa ng biyuda ni ­dating PC-INP General Hermogenes Peralta na si Divina Peralta, na ipinanalo sa Morong Regional Trial Court (MRTC) Branch 78 noon pang May 10, 2012.

Pero ang problema pa rin hanggang ngayon, ‘di pa rin mapakinabangan ang kanyang legal na pag-aaring lote na tinayuan ng halos mahigit 100 kabahayan ng mga ‘di naman nila kamag-anakan.

Ang pinaghirapang ipundar ng namayapang heneral na iniwan sa kanyang kabiyak na malawak na lupain sa Brgy. Madilaydilay, Tanay, Rizal ay tinirahan ng “illegal occupants” na inutusang ng korte noong 2015 na bakantehin na ang lote, at magbayad ng upa na P10,000 kada taon sa loob ng 11 isang taon.

Tumataginting na milyones ang kinatakutan ng karamihan sa “illegal occupants” kaya nakiusap sa may-ari na kusa silang aalis ‘wag na lamang silang magbayad ng milyones na upa.

Ang siste, ‘yung natirang ­matitigas ang ulo na binubuo ng halos 10 pamilya lamang, ang gusaling itinayo ay hindi masasabing “bahay ng mahihirap”.

Sila pa ang pinapaboran ng ilang opisyal ng LGU sa lugar at maging ng Presidential Commission for Urban Poor (PCUP)? Sila pa man din sana ang inaasahan na dapat sana’y magpapabilis na maayos ang ganitong mga ­problema.

Noong June 22, 2015 ay naglabas ng Writ of Demolition order si Tanay Municipal Trial Court Presiding Judge Robert Marcelo upang bakantehin ang lugar para sa kapakanan ng lehitimong land owner.

May batas tayo na ang illegal settlers o illegal occupants ay kailangang tulungan ng LGU para sa relokasyon at bigyan ng financial assistance.

At upang maitupad ito, kailangang magsagawa ang PCUP ng Pre-Demolition ­Conference (PDC) para sa kapakanan ng claimant, illegal occupants at ng LGU tungo sa mapayapang solusyon sa problema

Noong September 30, 2022 isinagawa ang PDC, at noong October 24, 2022 ang land owner na si Peralta ay naghain ng Urgent Ex-Parte Motion for Police Assistance na hindi naman sinang-ayunan ng Tanay RTC dahil sa kawalan ng PDC Clearance.

Ang PCUP ay nagbigay ng PDC Transmittal kay Morong Sheriff-in-Charge Truman De Salita na nagsasaad ng termination sa PDC.

“Considering the non-compliance of the Local Government of Tanay to the mandatory assistance provided under Sec. 28 of RA 7279, please be advised that this office is officially ­terminating the PDC for Civil Case No. 1503. Subject to reconvening upon availability of the mandatory assistance and upon request of the implementing Sheriff. We will be transmitting this case to the ­Philippine National Police (PNP) for their appropriate action,” bahagi ng pagpapasya ng PCUP.

Gayunman, hindi raw makakakilos ang Sheriff dahil sa pasubali na reconvening o ang isinaad ng PCUP na “Subject to reconvening upon availability of the mandatory assistance and upon request of the implementing Sheriff.”

Bunsod nito, ang Sheriff ay muling naghain ng kanyang paglili­naw sa PCUP noong November 23, 2022 na kanyang isinaad: “Although the undersigned has no discretion nor authority to impose what to follow as the legal guidelines, respectfully expressing the undersigned’s self-opinion, without force and effect to the proceedings of the case, for the non-obtaining from PCUP of PDC Certificate or Clearance either with or without compliance to the mandate of the LGU Administration under UHDA of RA 7279 even if the PDC was already conducted.”

Noong November 15, 2022 ay naghain na ng reklamo ang land owner na si Peralta sa tanggapan ng Anti-Red Tape sa Malacañang dahil sa kawalan ng PDC Clearance mula sa PCUP.

May court order na subalit hindi pa rin magamit ng legit land owner ang lupaing kanyang pag-aari, kaya ang tanong: “Hahayaan na lamang ba ng kinauukulang mga ahensiya ng gobyerno na ang mamamayagpag ay ang ­illegal settlers?”

oOo

Para sa suhestiyon at ­reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

49

Related posts

Leave a Comment