PDEA MULING NABABALOT SA KONTROBERSIYA?

KAALAMAN Ni MIKE ROSARIO

MULI na namang nababalot sa kontrobersiya ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos salakayin ang kanilang opisina ng mga kagawad ng pulisya at hulihin ang kanilang mga ahente sa Taguig City noong Martes ng gabi, Dec. 6.

Sinalakay ng mga tauhan ni Southern Police District chief, Police Brigadier General Kirby Graft, dakong alas-9 ng gabi noong Martes ang PDEA – Southern District Office sa A. Bonifacio St., Brgy. Upper Bicutan, Taguig City at hinuli ang mga ahente nito.

Kabilang sa binitbit ng pulisya ay sina Enrique Lucero y Guma, chief ng PDEA-SDO, at mga ahente na sina Anthony Vic Alabastro y Alcazar, Jaireh Llaguno y Azores, Reynaldo III Zaide y Liwag, Alqueen Santiago y Sangalang, Caryl Dawn Dineros y Madrid, at ang personal driver nilang na si Mark Warren Mallo y Sural.

Nag-ugat ang pagsalakay at paghuli sa mga ahente ng PDEA-SDO dahil may mga sumbong na nire-recycle ng mga ito ang kanilang nakukumpiskang illegal drugs.

Ibang klase kayo! Kung may parusang bitay pa sana ­ngayon, ang sarap niyong ipabitay.

Ginawa n’yo nang negosyo ang inyong trabaho sa PDEA, sa halip na kayo ang manghuhuli ng mga nasasangkot sa illegal na droga, kayo pala itong nagpapakalat niyan.

Wala kayong karapatang magtrabaho sa ahensya na ‘yan dahil hindi masusugpo ng gobyerno ang ilegal na droga sa bansa kung mananatili kayo riyan.

Kung ako lang ang masusunod, dapat sa kanila ay mapunta sa 6 feet below the ground, marami silang mapeperwisyong mga inosenteng kabataan kung hindi sila natiklo.

Tama lang na isama sa panukalang batas na bitayin ang mga ganitong nasasangkot sa ilegal na droga, lalo kung ang gumagawa mismo nito ay ang tagapagpatupad ng batas.

Unang nakumpiska sa mga suspek ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu na may timbang 100 gramo na may halagang P680,000, at isang plastic sachet pa ng shabu na may bigat na 1,250 gramo na nagkakahalaga ng P8.5 million.

May kabuuang halagang P9.2 million ang nakumpiska sa mga tiwaling ahente ng PDEA na ito, buwisit!

Kumpiskado rin sa kanila ang marked money/boodle money, digital weighing scale at 8 baril na pag-aari ng mga suspek.

Kung dati sila ang nagsasampa ng kaso sa kanilang mga nahuhuli, sila ngayon ang sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Kaya tama lang na baguhin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang estratehiya sa kampanya laban sa droga, unahin mula sa itaas bago pababa.

Kundi kasi ganu’n ang gagawin ng gobyerno sa paglaban sa ilegal na droga ay hindi malulutas ang problemang ito.

Ang nangyayari tuloy, ang ibang mga awtoridad ay nag-o-­operate lamang laban sa ilegal na droga para sa kanilang ­sariling kapakanan at muling ibebenta ang kanilang mga ­nakukumpiska (nire-recycle).

oOo

Para sa anomang reaksyon, maaaring mag-text sa cell# 0939-168-3316.

55

Related posts

Leave a Comment