PEDERASYON NG MGA KABATAAN SA QC, BAKIT NAKIKIALAM ANG MATATANDA?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MARAMI ang nag-aakala na kapag nahalal na ang kabataan bilang SK chairman ay sa kanyang trabaho bilang miyembro ng konseho ng barangay at lider ng kabataan na ang kanyang atensyon.

May tensyon pa pala, na mainit pa sa naramdamang pagkabahala at balisa noong kumakandidato pa lang sila para maging SK chairman.

Mas matensyon kasi ang pagpili ng presidente ng pederasyon na siyang kakatawan sa mga barangay at SK sa konseho.

Tulad daw sa Quezon City, may brasuhan at barakuhan na sa pagpili ng susunod na presidente ng SK Federation.

Dinidiktahan na raw ng ilang nakaupo at dating konsehal ang mga lider kabataan kung sino ang dapat maupong SK Federation president.

Aba, gawain na ito noon sa mga bayan at siyudad, at ngayon ay tandisan pa ring nangyayari?

May manok nang napili kumbaga para maging miyembro ng konseho ng bayan o siyudad.

Balik tayo sa Kyusi, totoo bang ginigipit daw ang ilang SK chairman ng ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod na tawagin natin sa pangalang Konsi Uno. Sumawsaw na rin daw sa barakuhan ang tatlong iba pa – ang dating konsehal na itago natin sa alyas na Konsi Dos at ang amuyong na nakatalaga sa isang opisina dyan sa lungsod.

Aba, may ilan pa raw na opisyal ng lungsod na nangingialam sa demokratikong prosesong dapat ay para lamang sa mga bagong upong lider-kabataan.

Bakit?

Sapagkat kasali raw sa karera sa posisyon ang anak ng hepe ng isang departamento.

Pondo raw ang panakot sa mga SK chairman ng 142 barangay. Ano ang gagawin ng mga SK chairman? Yumuko sa banta at suportahan ang anak ng may ranggo sa siyudad?

Kapag nga naman nagwagi ang chairman sa SK Federation ay awtomatikong konsehal na siya ng lungsod.

Sa mga bayan nga, mainit din ang labanan para sa SK Federation kaya may brasuhan, perahan at mga taktika ang ginagawa ng matatandang politiko at opisyal.

Mantakin n’yo naman na kapag nanalong presidente ng SK Federation ang batang chairman ay instant konsehal na siya ng bayan. ‘Di diyan natatapos ang pag-angat sa puwesto.

Bakit?

Sapagkat kapag nagwagi siyang presidente ng lahat ng pederasyon ng mga bayan ay instant board member na siya ng lalawigan.

Kaya kanya-kanyang proseso ng brasuhan at gapangan ang labanan.

Gawain ng matatanda kaya nahahawa ang mga bata. Ipinakikita sa mga bata ang katiwalian at pagiging trapo.

Hindi dapat nababahiran ng pulitika ang SK.

Kaya nakikisawsaw ang mga pakialamero sa SK Federation President dahil ayaw nilang masapawan ng iba. O baka may iniingatan at pinoprotektahan.

May magagawa ba ang Department of the Interior and Local Government para tuldukan ang nakasanayan ng mga politiko at ng mga opisyales at empleyado ng gobyerno?

Sabi nga ni Greta Tintin Eleonora Ernman Thunberg, ang Swedish environmental activist, “Huwag maliitin ang kapangyarihan ng mga kabataan na magsagawa ng pagbabago, maaari silang magbigay ng inspirasyon sa iba at lumikha ng isang mabuting kilusan.”

30

Related posts

Leave a Comment