PEKE NA NGA, ABUSADO PA

NANG isabatas ang Republic Act 7941 (Party-list System Act) noong taong 1995, layon nitong bigyan ng tinig ang mga abang sektor ng lipunan sa Kongreso – mga obrero, magbubukid, mangingisda, maralitang taga­lungsod, katutubo, senior citizens, kabataan, may kapan­sanan, kababaihan, beterano ng digmaan, mga Pilipino na nakikipagsapalaran sa ibayong dagat at mga propesyunal.

Bagama’t mayroon din namang tunay na kumakatawan sa kanilang sektor na kinabibilangan, higit na marami ang naging ­kongresista gamit ang mga sektor na hindi naman nila kinabibilangan.

Ang totoo, marami sa kanila’y mula sa malalaking angkan sa larangan ng pulitika. Mayroon din malapit sa Palasyo, mga negosyante, mga komunista at mga utak-sindikatong tanging hangad lang ay ang mahilab ang pondong kalakip ng puntiryang pwesto.

Maging si Pangulong ­Rodrigo Duterte, aminadong lubhang in­aabuso ang party-list system. Partikular na tinukoy ni Pangulo yaong hanay ng mga militanteng kinatawan sa Kamara del Representante.

Ang masaklap, hindi lamang ang mga militanteng hanay sa Kongreso ang dapat tinukoy ng tigasing Pangulo. Dangan naman kasi, mas marami ang party-list representatives sa Kongreso ang nasa loob ng kanyang sariling kwadra.

May kumakatawan sa sektor ng kalusugan pero wala naman palang kinalaman sa siyensya at medisina. Hindi rin nagpaiwan ang mga kinatawan ng mga maralita pero milyonaryo naman pala.

May kumakatawan sa mga gwardya pero hindi kailanman nagtrabaho bilang tagabantay man lang ng karinderya. Meron din namang kumakatawan sa OFW pero ­recruitment agency pala ang negosyo.

Ang masaklap, may mga kumakatawan sa urban poor gayung kahit kailan hindi naranasan ang tumira sa squatters’ area. May mga nagkukunwaring magsasaka pero kahit kailan hindi naman pala nakapagtanim man lang ng halaman sa paso. Nariyan din ang ­tumitindig na kinatawan ng ­mangingisda pero ang magsagwan ng bangka ay ‘di pa niya nagawa.

Sa madaling salita, piso tumpok ang mga pekeng party-list sa Kongreso. Sa ilalim ng RA 7941, 20% ang inilaang pwesto para sa mga party-list. Kung mayroong 300 miyembro ang Kamara, lumalabas na 60 ang nabibilang sa party-list.

Ilan ba sa 60 party-list ­representatives ang tunay na kumakatawan at nagsusulong sa kapakanan ng sektor na kanilang dala sa Kamara?

Sa nalalapit na halalan, 170 ang pinahintulutan ng Commission on Elections (Comelec) na makilahok sa Mayo, at kung rerebisahin mo ang talaan ng nominado ay makikita mo ang totoo. Lubhang binababoy na ang party-list system.

Sila yaong pinasasahod na, kinukultab pa ang pondo na dapat sana’y para sa sektor na kinakatawan nila.

Oops, hindi pa kasama sa kanilang ganansya ang kalakip na halaga ng pagpirma tuwing may inilalapit na panukala o ‘di naman kaya’y pagsang-ayon sa isang malaking usapin sa plenaryo.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

93

Related posts

Leave a Comment