PERA NA NAKUHA NG SCAMMERS SA DEPOSITOR NG MALAKING BANGKO, INAKSYUNAN NG RAPIDO!

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

WALA palang maisasampang kaso ang asawang lalaki sa kanyang kabiyak kung ito ay magtataksil, kahit pa magbunga ang ginawa nito? Ito ang aking nalaman sa pagsubaybay sa isang kasong hinawakan ng programa ni Sen. Raffy Tulfo.

Ang reklamo ay nag-ugat sa sumbong ng lalaki sa ginawang pambubugbog sa kanya ng asawa na nakunan pa niya ng video pero ang nakapukaw ng ­atensyon ng senador ay ang pag-amin ng babae sa kanyang panayam dito na totoo ngang nagdadalang-tao ito at ibang lahi daw ang nakabuntis sa kanya.

Sa aking pagkakaalam ay pwede na itong maging basehan upang masampahan ng kasong “adultery” ang babae dahil mayroong ebidensya ng pagtataksil, pero ayon sa paliwanag ni Atty. Gareth Tongol, legal counsel ng programang RTIA (Raffy Tulfo in Action) hindi raw pwedeng kasuhan ang babae dahil nangyari ang insidente sa labas ng bansa at wala pang batas ukol dito.

Pero sa ilalim ng “Violence Against Women and their Children Act”, ang lalaking mapatutunayan daw na nakabuntis ng ibang babae, kahit pa nangyari ito sa ibang bansa, ay mahaharap sa kasong may kinalaman sa VAWC.

Siguradong magpapasa si Sen. Raffy Tulfo ng isang panukala na magbibigay ng proteksyon para naman sa kalalakihan dahil sa sumbong na ito.

***

Isang reklamo naman ang aming natanggap ukol sa isang malaking bangko, na ayon sa complainant na si Gng. Glenda Mirales, biyuda, nawalan sila ng halagang P1.4 milyon sa kanilang account matapos na maisipan nilang mag-apply sa mobile app ng kanilang bangko.

Ayon kay Gng. Mirales, ang naturang app ay nasa Google at apple store sa mga gumagamit ng smartphones, na kinumpirma naman ng kanilang bangko. Pero matapos na irehistro ang kanilang account sa naturang bank app ay nakatanggap sila ng tawag sa nagpakilalang ­empleyado ng kanilang bangko at sinabing kinakailangan nilang ibigay ang kanilang OTP o One Time Pin para maiproseso ang kanilang request, na kanilang ginawa.

At matapos ang isang oras, nakatanggap sila ng abiso mula sa bangko sa pamamagitan ng text messages na nailipat na sa ibang account ang kanilang pera na umabot sa tumataginting na P1.4 milyon, bago nila napigilan ito sa pamamagitan ng pagtawag sa bangko.

Lumalabas na na-hack ang app ng kanilang bangko dahil paano nalaman ng tumawag sa mga biktima ang kanilang numero na ginamit sa pagrerehistro ng kanilang account. Sinabi rin ng complainant na hindi lang sila ang biktima ng ganitong pangyayari at mayroon silang grupong binuo na mga nabiktima rin.

Inilapit na namin sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang reklamong ito upang mabigyan ng karampatang aksyon.

61

Related posts

Leave a Comment