PERMIT SA PHOTOSHOOT, HOLDAP SA PHOTOGRAPHERS

BISTADOR ni RUDY SIM

ISINUSULONG ng pamahalaan na mapalakas ang turismo sa pamamagitan ng paghikayat sa mga dayuhan na mabigyang pansin ang magagandang tanawin at historical sites sa ating bansa.

Ngunit tila isa itong scam at pinagmumulan ng korupsyon ng ilang lokal na pamahalaan na imbes na magpasalamat sa malasakit ng mga kapwa nating photographer na maipakita sa mundo ang kagandahan ng bawat sulok ng bansa, ay kanila itong hinahadlangan at hinahanapan ng permit sa pagkuha ng litrato sa lugar na nasasakupan ng LGU.

Kamakailan lamang ay isang dayuhan ang namasyal at kumuha ng larawan sa isang lugar sa lungsod ng Maynila, partikular sa Arroceros ngunit ito ay sinita umano ng isang guwardya at hinanapan ng permit ang dayuhan mula sa local government, dahil ito raw ay mahigpit na ipinagbabawal.

Maging ang mga kasama nating photographer na malaking tulong na makapagbigay ng magandang larawan upang maipakita at makahikayat sa mga dayuhan sa magagandang tourist sites sa bansa, ay pinagbabawalan ng mga hinayupak na pamahalaang lungsod ng Manila at Taguig kung saan madalas mapiling lugar ng mga modelo at photographers.

Bakit ninyo kailangan pagbayarin ng permit ang mga photographer na mababa sa P5K sa buong araw?! Wala na ngang kinikita ang mga ito at nais lamang din makatulong sa mga nagbabalak pasukin ang mundo ng modeling pero ito, inyo pang parang hinoholdap, mga kumag kayo!

Bilang isang photographer din ay masaya na kami na makatulong sa mga model na maipakita ang aming talento sa pagkuha ng larawan at ito ay ginagastusan namin mula sa camera at lens na talaga namang hindi biro ang presyo.

Para saan ang permit lalo’t hindi naman ginagamit ang photoshoot sa commercial o pang hanapbuhay. Wala kayong karapatan na ipagdamot ang inyong lugar dahil ito ay isang public place at nagmula ito sa buwis ng taumbayan at hindi galing sa sarili ninyong bulsa! Manila Mayor Honey Lacuna at Taguig City Mayor Cayetano!! Dapat ninyong baguhin ang bulok ninyong sistema!!

240

Related posts

Leave a Comment