PERWISYO NG OIL SPILL

APAT na lalawigan ang nahaharap na matinding dagok ng oil spill sa karagatan ng Oriental Mindoro kung saan ang pangunahing kabuhayan ay pangingisda at turismo.

Sa lawak ng pinsala, posibleng abutin ng limang buwan bago matapos ang paglilinis sa pagkalat ng tumagas na langis mula sa MT Princess Empress noong Pebrero 28, ayon mismo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR)

Sa madaling salita, tigil muna ang pangingisda at turismo sa apektadong mga lalawigan – Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Antique at Palawan.

Paano na ang isinusulong na pagbangon ng pamahalaan? Saan ngayon huhugot ng kabuhayan ang mga apektadong pamilya sa naturang mga lalawigan?

Ang totoo, walang malinaw na pagkukunan ng pondo ang pamahalaan na nahaharap sa mahabang talaan ng mga suliranin sa ekonomiya ng bansa. Matapos ang dalawang linggo, wala man lang pahiwatig ang may-ari ng lumubog na barko at maging ang may-ari ng tumagas na langis.

HIndi na bago ang mga aksidente sa karagatan. Sa mga nakalipas na panahon, ‘di na rin mabilang kung ilan ang lumubog na barko at maging ang bilang ng mga nasawing Pilipino.

Ang masaklap, kahit pa sampahan ng patong-patong na kaso ang mga negosyante sa likod ng mga lumubog na barko, hindi rin naman ganun kabilis ang husgado sa paglilitis para sa danyos perwisyo. Maraming pamilya ng mga nasawi sa maritime accidents, pumanaw nang walang napala.

Sa lawak ng oil spill, umabot hanggang sa Palawan ang langis na isinuka ng MT Princess Empress, sukdulang nahinto ang industriya ng pangisdaan at maging ang turismo sa apat na lalawigang binagtas ng tumagas na langis sa karagatan.

Higit pa sa danyos perwisyo, nalagay rin sa peligro ang kalikasan. Sa pag-aaral na isinagawa ng UP Marine Science Institute, posibleng maapektuhan ng oil spill ang mahigit 36,000 ektarya ng coral reefs, bakawan, at iba pang buhay sa karagatan.

Ang tanging sagot ng Maritime Industry Authority (MARINA) – may insurance naman daw ang MT Princess Empress.

387

Related posts

Leave a Comment