KAMAKAILAN lang, naglabas ng pahayag ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay ng pagsirit sa presyo ng mga perwisyong droga sa merkado.
Anila, hindi lamang supply ang dapat tutukan ng pamahalaan kung hangad nitong tuldukan ang kanser ng lipunan. Sa isang banda, may katwiran ang PDEA.
Bagama’t totoong malaking bentahe sa kampanya ng gobyerno laban sa ipinagbabawal na gamot ang pagpuksa sa pinagmumulan ng droga, higit na angkop ang pagkakaroon ng isang mas malakas na batas laban sa mga nasasangkot sa kalakalan ng droga, gayundin sa mga kakuntsaba, protektor at mga pikit-mata sa kalakaran sa nasasakupang lokalidad.
Sa pag-aaral ng PDEA, isa sa mga bagay na nagpapataas ng presyo ng droga ay ang patong na ibinibigay sa mga kumakanlong ng sindikato sa hanay ng mga tagapagpatupad ng batas.
Kabilang sa mga dahilan ng pagsipa sa presyo ng droga ang patuloy na pagdami ng bilang ng mga lulong sa bisyo.
Ang totoo, biktima ang mga gumon sa ipinagbabawal na gamot at ang higit na angkop na hakbang ay ang bigyan sila ng nararapat na tugon upang mapagbago. Kung tutuusin, mas dapat tignan ang mga gumon sa bisyo bilang mga pasyenteng dapat iprayoridad sa ilalim ng programang pangkalusugan ng pamahalaan.
Taliwas na pahayag ng Palasyo, bigo ang pamahalaang sugpuin ang paglaganap ng ilegal na droga sa bansa sa kabila ng pangako ng Pangulo na pupuksain ang kalakalan ng droga sa loob ng anim na buwan mula nang maupo sa pwesto.
Sa datos ng gobyerno, record-breaking ang bilang ng anti-illegal drug operations ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Maraming nadakip, gayundin ang nakumpiskang droga. Bandang huli, bigo pa rin ang gobyerno.
Ang siste, mas marami pa rin ang droga sa merkado. Mayroong inaangkat mula sa mga karatig bansa. Mayroon din namang dito na ginagawa.
Sa hanay ng mga naaresto, ilan lang ba ang nahatulan ng gobyerno?
Sa bawat tulak na nadakip, higit pa sa tatlo ang pumapalit at nag-aagawan sa teritoryong naiwan ng nakalawit.
Sa puntong ito, marami ang napapaisip – ano nga ba ang wastong solusyon sa suliranin ng ilegal na droga sa bansa?
Nakalulungkot isiping namamayagpag pa rin ang kalakalan ng droga. Mas lalo pang nagiging agresibo ang mga sindikato sa pagpapakalat ng ilegal na droga dahil tukoy nila ang paraan para malusutan ang batas at maging ang nagpapatupad ng batas. Para sa kanila, lahat natatapalan ng pera.
92