PETISYON PARA IPAWALANG-BISA ANG WHITELIST NG DEPARTMENT OF MIGRANT WORKERS

AKSYON Ni CASTILLON Ni ATTY. DAVID CASTILLON

DUMULOG sa korte ang grupo ng recruitment agencies upang ipawalang-bisa ang whitelist na inilabas ng Department of Migrant ­Workers (DMW). Nakasaad sa petisyon na ang paglikha ng listahan ay wala sa batas, Implementing Rules and Re-gulations (IRR) at Governing Board Resolutions (GBR).

Isinasaad sa memorandum circulars ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na ang recruitment agencies na nagkaroon ng suspension o cancellation at foreign principals na na-disqualify sa loob ng anim na buwan mula sa araw ng aplikasyon ay hindi pa rin makakasali sa whitelist kahit naisaayos na ito.

Binibilang ang request for repatriation na hindi dapat lalagpas sa lima. Hindi na tinitingnan ang aktuwal na sitwasyon. Ang request for repatriation ng OFW na may sakit, nasa ospital, nakakulong, nawawala, na-homesick, may personal na dahilan, magpapakasal sa boyfriend, nami-miss ang asawa, anak at pamilya ay kasama sa bilangan. Ang bilang na lima ayon sa grupo ay walang basehan. Dapat daw munang alamin ang klase ng request for repatriation at tingnan nang mabuti ang sitwasyon para malaman kung nararapat ba na parusahan ang isang ahensya.

Kapag mayroong “request for assistance which remains unacted”, magiging dahilan ito para hindi makasama sa whitelist. Subalit inilarawan ito ng grupo na “subjective” at puwedeng abusuhin.

Hindi malinaw ang mga kataga na ginamit sa circular.

Ang requirements na isang Welfare Desk Officer (WEDO) sa bawat 100 deployed ­workers ay isa rin sa mga tinututulan ng grupo. Ang pagpaparami ng WEDO sa Pilipinas ay walang sapat na basehan kung paglutas sa problema ng OFW ang pag-uusapan dahil ang mga ito ay nangyayari sa jobsite. Ngayon lamang napagtanto ng departamento ang tunay na halaga ng welfare officers.

Sana noon pa nila dinamihan ang bilang ng welfare officers sa jobsite partikular sa POLO at OWWA.

Ang aplikasyon para sa whitelist ay apat na beses lamang sa loob ng isang taon (every first 2 weeks of the quarter). Kapag hindi nakahabol, ang recruitment agencies ay mayroong “waiting period” na tatlong buwan kahit hindi naman blacklisted ang ahensya.

Kada anim na buwan ay mayroong Periodic Performance Review (PPR). Kapag hindi nakapasa ang ahensya ay hindi na ito makakapag-deploy. Kung mayroong lumabas na suspension order maski na light violation lamang ay hindi na makakasali ang ahensya sa whitelist kahit ito ay iapela o bayaran ang multa. Posibleng umabot ng anim na buwan ang disqualification na siya namang ikamamatay ng industriya.

Kung kayo ay may mga katanungan na kailangan ng kasagutang legal, sumulat lamang sa “AKSYON NI CASTILLON” sa email address – castillon.lawoffice@gmail.com.

130

Related posts

Leave a Comment