CLICKBAIT ni JO BARLIZO
UMAAPAW sa dami ang kandidato para sa Barangay and Sangguniang Kabataan (BSKE) elections.
Gusto ba nila magserbisyo o nais magkaroon ng pribilehiyo?
Wala namang buwanang sahod ang mga opisyal ng barangay. Honorarium ang tawag sa natatanggap nila. Magkakaiba ang honorarium ng mga opisyal, at depende ito sa IRA o pinansyal na katayuan ng barangay.
Mas malaki siyempre ang honoraria ng mga nasa malalaking siyudad.
Nasa 55% ng kabuuang budget ng barangay ay napupunta sa personal services kabilang ang honoraria at Christmas bonus.
Sakop din sila ng insurance, libreng pagpapagamot, free tuition, civil service eligibility, at una sa appointment ng ibang government positions na sila ay kwalipikado matapos ang kanilang termino.
Libre rin ang SK officials sa pagbabayad ng tuition at matriculation fees habang naka-enrol sa public tertiary schools sa paligid ng local government unit. Exempted din sila sa National Service Training Program at may monthly honoraria rin ang SK officials, habang ang SK chairperson ay may pribilehiyo rin katulad ng ipinagkakaloob sa mga barangay official.
Pwedeng gawing dahilan, ngunit, may mas malalim at sikretong dahilan kaya marami ang gustong magbigay ng serbisyo sa barangay.
Pulitika ba ang pinakauna sa mga sikretong hangad?Malamang.
Kaya dapat maging mabusisi ang mga botante. Ang pagpili ng mga mamumuno sa barangay ay katulad din ng pagpili sa mga hinahalal sa nasyunal. Meron kasing hindi siniseryoso ang pagpili sa barangay dahil katwiran ay barangay lang naman.
Bagaman pinakamaliit na unit ng pamahalaan sa bansa ang barangay napaka-importante nito kaya dapat pa ring maging wais sa pagpili.
Ganito rin dapat sa pagpili ng mga lider na kabataan. Dapat ay makita na sa kanila ang mga katangian ng isang tunay na lider dahil kung sa murang gulang ay wala nang prinsipyo, magiging trapo lang din sila at makadaragdag sa mga nangungulimbat sa bayan.
Nga pala, sa Barangay San Bartolome sa Quezon City ay mainit ang labanan ng mga kabataan. Isang kandidato bilang SK chair na nagngangalang Judelyn Francisco ang dinisqualify na raw ng Comelec dahil sa paglabag sa kanilang guidelines? Napanood ko ang video kung saan aminado si Judelyn sa mga disqualification na isinampa laban sa kanya. Babantayan natin ang mga susunod na kabanata sa kwentong iyan.
Sa anomang paligsahan ay may panalo at talo. Sana ay maging payapa at maayos ang BSKE ngayong araw.
Good luck sa lahat ng magkakatunggali at sana ay magwagi ang mga deserving at tunay na lingkod-bayan.