DI KO GETS ni ANDREW CAYANONG (GUEST COLUMNIST)
WALANG karapatan ang China na pagsabihan ang Pilipinas na umayos sa sarili nating teritoryo.
Ito ang naging reaksiyon ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa panawagan ng China sa Pilipinas na huwag magsimula ng gulo sa Bajo de Masinloc sa Zambales.
Ang pahayag ng mga Tsino ay nag-ugat sa ginawang pagtanggal ng Philippine Coast Guard (PCG) sa floating barrier na inilagay nila para hindi makapangisda sa lugar ang mga mangingisdang Pilipino.
Sabi ni Tulfo, “Kahit ano pa ang itawag nila sa Bajo de Masinloc sa Zambales, sa Pilipinas pa rin ito.”
Nagpahayag ng suporta ang mambabatas sa pagtanggal ng PCG sa boya na inilagay ng China.
Pinuri naman ng ilang political party leaders sa Kongreso ang ginawa ng coast guard.
Nangyari iyon matapos ilipat ng Kamara ang Confidential and Intelligence Funds (CIF) ng ilang civilian agencies, sa Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, National Security Agency, at National Intelligence Coordinating Agency para ma-monitor nang mabuti ang West Philippine Sea (WPS).
Sinasabing plano rin ni Tulfo na idulog ang usapin sa United Nations (UN) at maging sa kalapit na mga bansa.
Bukod dito, plano rin daw ng kongresista na humingi ng suporta sa malalaking bansa sa pagpapatrulya sa rehiyon.
“Sino ba itong China na pagsabihan tayo na parang sobra naman ang baba ng tingin sa atin? ‘Wag tayong pumayag na parang tayo pa ang pinagsasabihan at sunud-sunuran sa mga ito,” giit ni Tulfo.
Para kay Tulfo, napapanahon na raw na humingi ng saklolo sa mga kaibigang bansa tulad ng Estados Unidos, Japan, at iba pa.
“Hindi naman siguro tayo bobombahin ng China kung sakaling lalapit tayo sa ating mga kaibigang bansa dahil tiyak na magkakaroon tayo ng international conflict, kaya dapat lamang na lumapit na tayo sa kanila at humingi ng tulong dahil sobra na ang ginagawa sa atin ng China,” sabi ng masipag na kongresista.
Kung maaalala, natagpuang nakapaligid sa bahura ang 300 metrong floating barrier noong nakaraang linggo.
Kapuri-puri naman ang mabilis na aksyon ng PCG sa usapin.
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!
393