EDITORIAL
NAKAGUGULAT pa ba na sa ikatlong sunod na taon, nananatiling pinakamapanganib na bansa ang Pilipinas mula sa epekto ng mga kalamidad?
Sa 2024 edition of the World Risk Report ng Institute for International Law of Peace and Armed Conflict of the Ruhr–University Bochum, ang Pilipinas ang may pinakamataas na world risk index (WRI) sa 193 bansa, kabilang ang lahat ng miyembrong estado ng United Nations at 99% ng populasyon ng mundo.
Umiskor ang Pilipinas ng 46.91, mas mataas sa 46.82 at 46.86 scores noong 2022 at 2023, ayon sa pagkakabanggit. Pumapangalawa ang Indonesia na may iskor na 41.13, at sumunod ang India (40.96).
Ang pagtasa sa mga bansa ay base sa antas ng exposure, vulnerability, susceptibility, kakapusan ng kapasidad na makatugon, at kakulangan ng kakayahan na makaakma sa mga krisis gaya ng matinding kalamidad, hidwaan, pandemya at giyera.
Naniniwala si Science and Technology Secretary Renato Solidum na tataas ang ranggo ng bansa dahil sa inobasyon at teknolohiya na kailangang isagad upang mabawasan ang epekto ng mga kalamidad. Binanggit niya na ang pinakaimportante ay ang batas hinggil sa paggamit ng lupa upang maging parehas ang pananaw ng mga lokal na pamahalaan pagdating sa paggamit ng impormasyon at mas maging ligtas ang mamamayan.
Pero ang tamang pagtalakay sa panganib at pagtugon sa mga krisis ay kailangang buo at hindi lamang mula sa pira-piraso o bahagi ng problema. Lahat ng kakailanganin para sa paghahanda, mitigasyon, rescue, at mga gawain matapos ang mga kalamidad ay dapat isaayos.
Importante ang master plan kung paano makaagapay sa mga panganib.
Ang malinaw ay kulang ang bansa ng mga lider na may matatag na pananaw, karakter at may disiplina na sandigan ng mamamayan.
Talo ang mga tao pero sila rin ang dahilan kaya nalalagay sila sa panganib dahil sa kanilang pagpili ng mga lider na hindi inuuna ang pagbibigay ng mabuting serbisyo sa mga tao.
Kung nais ng pamahalaan na maging handa sa lahat ng mga kalamidad at mabawasan ang epekto sa mga tao ay kailangan nito ng mahabang programa, matibay at pangmatagalang plano.
Kailangang mamuhunan para sa pagpapatibay ng mga pampublikong edipisyo tulad ng mga ospital, eskuwelahan, lansangan, tulay at iba pang nagbibigay ng serbisyo.
Hindi ito madali pero kung gagawin ay may kahihinatnan.
Kung hindi magagawa, malamang mas mapanganib ang iniluluklok natin sa puwesto kaysa mga natural na kalamidad.
41