PINAKAMALALAKING BALITA NG TAONG 2022!

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

SA pagtatapos ng taong 2022, isa sa mga ina-abangan nating mga Pilipino ay ang pinakamalalaking balita na nag-iwan ng marka sa taong kasulukuyan.

Nandiyan ang pagdaan ng Bagyong Karding na nag-iwan ng malaking pinsala sa mga lalawigan dito sa Luzon. Ang magnitude 7 na lindol na ang epicenter ay sa Abra province na nagdulot ng malaking pinsala sa ­maraming mga istraktura sa naturang lalawigan at maging sa kalapit na lalawigan nitong Ilocos Sur.

Ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa, dulot ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine. At ang mataas na presyo ng mga bilihin na sanhi ng inflation na nakakaapekto sa maraming bansa, at hindi lang sa Pinas.

Pero para sa inyong lingkod, ang pinakamalaking ­balita ngayong taon ay ang pagkapanalo ni Pangulong BBM nitong nakaraang halalan na ginanap noong Mayo. Hindi inaasahan ng mga kritiko ng pamilyang Marcos na darating ang panahon na muling makababalik sa Malacañang ang isang Marcos matapos na mapatalsik sa kapangyarihan ang ama nitong si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr., ilang dekada na ang nakararaan.

Ayon sa Commission on Elections (COMELEC), ang May 2022 elections ay isa sa pinakatahimik at ­pinakamaayos na eleksyon na ginanap sa bansa. Ito rin ang mayroong pinakamaraming kandidatong nag-file ng kanilang kandidatura at tumakbo.

Ang pagkapanalo ni BBM nang landslide, laban sa pinakamalapit na karibal nitong si VP Leni Robredo, ay nagbigay ng titulo rito bilang kauna-unahang “Majority President” ng bansa matapos na lumamang ito ng mahigit na labing-limang milyong boto laban kay Robredo.

Nanalo si BBM kahit pa tigmak ng kontrobersiya ang kanyang pagtakbo dahil sari-saring mga isyu ang ibinato sa kanya ng kanyang mga katunggali, tulad ng “moral turpitude” dahil sa conviction nito sa kasong tax evasion, mga akusasyon ng ­korapsyon ng kanyang ama na pilit na idinidikit sa kanya, at marami pang iba.

Naging isyu rin ang hindi pagdalo nito sa election debates ng iba’t ibang media organizations, pero hindi ito nakapigil sa kanyang pagkapanalo bilang ika-17 na ­pangulo ng bansa. Isa sa mga ipinangako ni BBM noong kampanya ay ang pagpapalakas ng agrikultura sa bansa upang mapababa ang presyo ng mga pagkain at masiguro na may sapat na supply ng mga ito sa bansa.

47

Related posts

Leave a Comment