MATAPOS lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig ng Service Contract 38 para sa karagdagang 15 taong operasyon sa Malampaya ng mga kumpanyang hawak nina Enrique Razon at Dennis Uy, biglang kumambyo ang kalihim ng Department of Energy (DOE).
Ayon kay Energy Secretary Raphael Lotilla, huwag daw tayo masyadong umasang mabibigyang solusyon ang kapos na supply ng enerhiya.
Aniya, walang kasiguruhan na mabibigyan ng solusyon ng pinalawig na operasyon ng dalawang oligarko, ang nakaambang krisis sa enerhiya.
Sa ilalim ng pinalawig na SC 38, binigyang pahintulot ng gobyerno ang Prime Energy Resources ni Razon at Udenna Corp. ni Uy, na maghanap ng deposito ng natural gas sa karagatang sakop ng Malampaya gas field.
Susmaryosep! Wala naman palang garantiya, bakit pinalawig pa ng Pangulo ang kontrata?
Batay sa datos ng isang dating Energy official, tumataginting na P100 milyon kada araw ang malinis na kita nina Razon at Uy sa Malampaya – salaping dapat sana’t papasok sa gobyerno sa loob ng 15 taon kung hindi pinalawig ng Pangulo ang SC 38.
Sa simpleng pagtataya, P3 bilyon kada buwan ang pinakawalan ng pamahalaan sa susunod na 15 taon – o katumbas na P540 bilyon.
Ano ang pwedeng magawa sa P540 bilyon? Kapos na pasilidad sa paaralan at pampublikong pagamutan matutugunan. Gayundin ang katuparan ng pangakong pagpapaunlad sa mga sakahan.
Pasok din sa nasabing halaga ang imprastraktura at mga makabuluhang proyekto at programang sadyang kapaki-pakinabang sa mga Pilipino – hindi lang sa dalawang prominenteng oligarko at mga utak-sindikato sa loob mismo ng gobyerno.
