PINASLANG ANG ISANG BABAENG LUMAD AT LIDER NG BAYAN MUNA SA BUKIDNON!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Poot at dalamhati ang nararamdaman ng mga miyembro ng Bayan Muna at ng mga katutubong mamamayan sa pagpaslang kay Bai Leah Tumbalang mula sa San Fernando, Bukidnon.

Si Bai Leah ay lider ng kanyang tribo sa San Fernando, at nanindigan laban sa pagkamkam ng kanilang lupang ninuno ng plantasyon at pagmimina, at laban sa pananalasa ng mga grupong paramilitar at militar na lumalabag sa karapatan ng mga Lumad sa probinsya. Si Bai Leah ay aktibo sa organisasyong-Lumad at maliit na magsasaka na Kaugalingong Sistema Igpasindog Tu Lumadnong Ogpaan (KASILO).

Binaril siya bandang alas-3:00 ng hapon noong Biyernes, Agosto 23 sa bayan ng Valencia, Bukidnon. Binaril siya ng isang beses sa kanyang noo.

Ayon sa mga lokal na organisasyon para sa karapatang pantao sa probinsya, ang mga elemento ng 88th Infantry Battalion ang responsable sa pamamaril, dahil bago ang kanyang pagkamatay ay nakatanggap siya ng mga banta at pananakot mula sa mga naka-deploy na militar sa probinsya. Ang kanyang mariing pagtutol sa pagsira at pagkamkam sa kanilang lupang ninuno at paninindigan laban sa pag-abuso sa karapatang pantao ay tinuring na pagiging miyembro ng komunista. Kaya naman siya ay na­ging target sa pagpatay ng berdugong militar at paramilitar.

Malaking kaduwagan ang pagpatay kay Bai Leah! Ang kaya lamang pulbusin ng pulis at militar ay ang mga mamamayang walang laban. Nais ng gobyerno na takutin ang mamamayan upang hindi labanan ang pagsasamantala at paglabag sa karapatan, ngunit pinatunayan na makailang-ulit ng mamamayan na hindi takot ang resulta ng kanilang pagpatay at pagsikil kundi dagdag na tapang upang ipagpatuloy ang laban.

Si Bai Leah ay ang ika-14 na pinaslang sa Bukidnon ngayon lamang taon, patunay sa kalagiman ng Martial Law sa Mindanao. Tatlong taon na ang Martial Law, at tila walang balak ang administrasyon ni Duterte na itigil ito. Dapat mapagtanto ng gobyerno na hindi ang pagpaslang ang tatapos sa digmaang sibil sa bansa kundi ang pagsagot sa mga ugat nito. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

138

Related posts

Leave a Comment