PINOY GREAT JERICO BAÑARES, SASABAK SA 10-BALL OPEN TOURNAMENT NI CONG. ARNIE TEVES SA Q.C.

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

INAABANGAN na ng marami ang 2022 Philippine 10-Ball Open Tournament ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr.

Kung hindi ako nagkakamali, gaganapin ito mula Oktubre 24-31, 2022 sa Hardtimes Sports Bar sa Timog Ave., Brgy. South Triangle, Quezon City.

Magkakaroon naman ng qualifiers sa nasabi pa ring venue.

Ang entry fee ay nagkakahalaga lamang ng P300 kung saan magkakaroon ng double knockout at single knockout events (Top 64).

Ang event na ito ay handog sa lahat ni Cong. Teves katuwang ang Quezon City Tourism Department. Nasa P1.5 milyon ang nakaabang na premyo para sa mga bilyarista.

Sinasabing magkakaroon naman ng registration sa Oktubre 20, 2022. Tinatayang 512 slots ang naghihintay para sa mga sasali.

Kaya kung ikaw ay may kakilalang manlalaro ay anyayahan n’yo na sila rito. Sayang ang kanilang talento kung itatago lang nila ito.

Siyempre, sayang din ang premyo. Malay mo, ito na ang torneo na pinakahihintay mo.

Kung hindi ka pa masyadong napapansin, aba’y pagkakataon mo na ito. Bihira lang ang tsansang ito.

Samantalahin ang pagkakataong ito na manalo ng limpak-limpak na prizes. Handog ito ni Cong. Teves sa ating players at aficionados.

Samantala, sasabak naman sa torneo ni Cong. Teves si Pinoy great Jerico Bañares na naging 2008 Philippine Junior Champion; 2010 Manila October Fest Champion; 2012 Star Billiards back to back champion; at 2016 Manny Paquiao International 10-Ball Champion.

Si Bañares ay itinanghal din na Project X 10-Ball Open Champion noong 2017 at naging 2017 Jogjakarta Indonesia 9-Ball Open Champion at 2017 Bali, Indonesia International 10-Ball Open Champion.

Para nga pala sa mga karagdagang detalye ukol dito, maaaring kontakin si Ms. Nhadz Ramos sa 0956-8416602.

Maraming salamat po at God bless!

36

Related posts

Leave a Comment