PINOY INAALIPUSTA NG HAPON

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

PANGKARANIWAN nang pinag-uusapan ang mga paglapastangan at pang-aabuso ng mga Arabo sa ­ating mga kabayaning OFW sa Gitnang Silangan. Kung kaya nakagawian nang sabihin na huwag nang ­magtungo sa Middle East, bagkus ay magtrabaho na lamang sa mga bansa sa Asya at Europa.

Dahil dito ay maraming mga OFW ang naeengganyo na magtungo na lamang sa Japan, Malaysia, Taiwan at sa mga bansa na sakop ng ­Europa. Isa si OFW John Paul sa ­nahikayat na magtungo sa Japan at namasukan bilang isang construction worker.

Sa mga hindi pa nakikita, ang naging kalagayan ni OFW John Paul, ay talagang iisipin mo na maganda talaga sa ­Japan. Base kasi sa ­aking karanasan nang ako ay ­magtungo sa Japan kasama si dating DOLE Secretary ­Silvestre Bello, ay nakausap ko ang mga Pinoy roon na nagtatrabaho bilang construction worker at talagang sinasabi nila na malaki ang pagkakaiba ng pagtatrabaho sa Japan kumpara sa Pilipinas at sa ­Middle East.

Ngunit taliwas ang ­naging karanasan ni OFW John Paul na kung saan ay naranasan niya ang ­matinding ­diskriminasyon sa kamay ng kanyang kasamahan sa trabaho na mga Hapon. Sa kanyang ipinadalang video sa aking messenger ay mistula siyang ginagawang laruan ng mga Hapon, matapos ang maghapong trabaho, kung saan siya ay pinagsasayaw, pinakikitaan ng ari ng isang Hapon, at sa isa pang video ay kitang-kita noong siya ay tinadyakan sa kanyang likuran na naging sanhi ng kanyang pagkabuwal.

Pinipilit niyang unawain ang nangyayari sa kanya sa kagustuhan niyang matapos na lamang ang kanyang ­kontrata, ngunit habang isinusulat ko ang aking kolum na ito ay muli nagpadala si OFW John Paul ng panibagong video sa ­aking messenger na kung saan siya ay nakahiga na ­lamang sa ­kanyang kama na dumudugo ang isang arte ng ­kanyang mukha dahil umano sa ginawang pag-umbag ng ­kanyang kasamahan sa ­trabaho.

Maging ang kanyang mga kasamahang Pilipino ay nagsasawalang-kibo na lamang at ang ilan pa sa kanila ay nakikihalo sa ginagawang diskriminasyon upang huwag lamang umano nila maranasan ang ginagawa kay OFW John Paul.

Si OFW John Paul ay nakarating sa Japan sa pamamagitan ng Placewell Manpower Agency at kasalukuyang nagtatrabaho sa Matsukawa Kensetsu Construction Company bilang construction worker.

Labis-labis na nakikiusap si OFW John Paul na siya ay matulungan kung kaya agad kong ipinadala ang mga video at larawan ni OFW John Paul kay Department of Migrant Workers Undersecretary Hans Cacdac para sa kaukulang aksyon upang masaklolohan si OFW John Paul. Ayon kasi kay OFW John Paul, kanya nang ipinarating sa kanyang ahensya sa Pilipinas ang kanyang dinaranas ngunit tila ito ay hindi pinapaniwalaan ng kanyang ahensya.

13

Related posts

Leave a Comment