PINOY MAHILIG MAGHABOL

PUNA

NAGING kaugalian na ng mga Pinoy na pakuya-kuyakoy lagi sa umpisa at saka magkukumahog na humabol kapag nandiyan na ang ‘deadline’, kaya naman ganyan ang nangyari sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan na ipinagkatiwala noong una sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Hindi kaagad natapos ang pamamahagi na noong Abril 30 ay wala pa halos sa kalahati ang naayudahan kung kaya’t napilitan ang Department of Interior and Local Government (DILG) na bigyan ang local government units (LGUs) nang hanggang kahapon (Mayo 7)  upang tapusin ang pamamahagi ng ‘subsidy’ na P5k-P8k, pero tila hanggang sa nasabing deadline ay mukhang maraming LGUs pa rin ang hindi nakatupad lalo na sa Metro Manila. Ganyan tayo eh.

Batid naman ng PUNA na ang mga siyudad sa Metro Manila ay may malalaking populasyon kaya nga dapat ay dinoble nila ang kilos sa pamamahagi ng SAP upang hindi sila naghahabol ng oras.

Talagang kailangang bigyan sila ng deadline dahil pagkatapos ng distribusyon ng pera sa SAP ay gagawa naman sila ng ‘liquidation’ upang maging ‘transparent’ at walang magduda. Bukod pa ito sa upang maiwasan ang ‘padding’ sa listahan.

Hindi naman kasi nakapagtataka dahil kung tuwing eleksyon nga eh nagagawa ang padding at kahit patay na ay nakakaboto pa, ito pa kayang mas malaking halaga ang nakataya?

Pero sa pagkakataong ito, magkakabukingan ang mga gumagawa ng “milagro” sa pera ng SAP dahil bukod sa kailangang ipaskil sa barangay hall at pampublikong lugar ang mga nakatanggap ng SAP ay kailangang isumite kaagad ang kanilang liquidation report.

Bakit kamo? Kasi, hindi sila makatatanggap ng pangalawang bugso ng ayuda o pondo mula sa DSWD kung walang maisusumite na report o talaan ng mga nabigyan at nakinabang sa social amelioration.

Kailangan talagang bilisan ng mga nasa LGU ang pagtratrabaho dahil kapag mabagal sila sa pagsisilbi sa kanilang mamamayan ay parang sila na mismo ang nagpapahirap sa mga ito.

Maraming mga kababayan natin ang umaaray dahil sa hanggang sa ngayon ay wala silang natatanggap na ayuda mula sa DSWD na pinadaan sa LGUs.

Teka, sinu-sino nga ba ang nabigyan ng ayuda sa barangay? Sa aming barangay marami naman ang nakinabang  sa SAP ay una si Kapitan, pangalawa ay mga kamag-anak ni Kapitan, pangatlo ay mga barangay kagawad, pang-apat ay mga kamag-anak ng mga barangay kagawad, panlima ay mga barangay tanod, pang-anim ay mga kamag-anak ng mga barangay tanod,  pampito ay mga opisyales ng barangay kasama ang SK chairman at mga kagawad nito, pangwalo ay mga kamag-anak ng mga opisyales at nina SK chairman at mga kagawad, pangsiyam ay mga taong hindi kilala dahil sa ibang barangay naman sila nakatira at pangsampu ay ang mga taong namatay na. O, di ba ang dami ng nasa listahan ng aming barangay? Galing di ba, kanya-kanyang diskarte lang yan.

Pero ibang klase naman itong si Barangay Kagawad Danilo Flores ng Hagonoy, Bulacan na binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang public address kamakailan. Kasi nga, hindi nito ibinigay ang buong pera sa benepisyaryo. Wala kayang alam si Kupitan dito?

Nagalit si Pangulong Duterte sa ginawa ni Flores dahial ayaw niya na may niloloko sa mga mamamayan lalo na sa ganitong oras nang pangangailangan bukod pa sa ayaw ng pangulo na may maiiwan at magugutom na Pinoy sa paglaban sa mapamuksang coronavirus disease 2019 o COVID-19. Dahil malaki ang malasakit ni Presidente Duterte sa totoong mahihirap.

Kaya ang LGUs na natutulog sa pansitan, aba’y gumising naman dahil sa panahong ito kayo kailangan naming mamamayan.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com

 

180

Related posts

Leave a Comment