PLASTIC POLLUTION LABIS NANG NAKAAAPEKTO SA KAPALIGIRAN

POINT OF VIEW

Nakababahala ang plastic pollution na nakaaapekto sa ating kapaligiran. Hindi lamang problema sa Pilipinas ito kundi sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa ipinalabas na ulat ng United Nations, ang plastic pollution ay isang malaking dilemma na kakaharapin ng mundo kung hindi magtutulungan ang bawat bansa sa buong mundo upang masawata ito.

Sinasabi na ang Pilipinas ay isa sa world’s top three offenders ng plastic pollution sa mundo. Sinasabing halos 60 billion sachets bawat taon ang nagagamit sa bansa na labis na nakakaapekto sa ating kapaligiran.

Sa isang pag-aaral ng environmentalists, sa isang araw ang bansa ay nakakagamit ng halos 48 milyong shopping bags na kung pagsama-samahin ay aabot sa 17 bilyon sa loob ng isang taon.

Ang bilang na ito ay hindi pa raw kasama ang mga maliliit, maninipis, at kadalasan ay ang transparent plastic bags na kilala sa tawag na labo bags na tinatayang 16.5 bilyon ang nagagamit at kadalasan ay nakikita mong pakalat-kalat sa saan mang sulok sa buong bansa.

Mahigit sa kalahati ng mga non-recyclable plastic sa bansa ay sachet-plastic na may halong aluminium o iba pang materyales na hindi na puwedeng ma-recycle.

Ito kasi ang gina­gamit para sa packaging ng mga negosyante para sa pag-retail ng kanilang mga produkto para sa mga walang kakayahan na bumili ng bote-bote o bultuhan. Makakatipid talaga naman sila kaysa gumamit ng bote, lata o mga plastic o materyales na recyclable na mataas ang presyo.

Makikita mo ngayon na karamihan sa mga produkto mula shampoo, sabon at packaging sa mga pagkain ay gumagamit na ng plastic na may aluminium.

Ang nakakaloka, karamihan sa mga Filipino ay hindi marunong magtapon ng tama ng kanilang basura. Basta na lamang itinatapon sa kung saan-saan ang kanilang mga wrappers matapos gamitin ang biniling produkto. At kung magkaroon ng malakas na ulan, nagbabara ang mga ito sa waterways at naaanod patungo sa ating mga karagatan.

Mapag-aralan at makahanap sana ang gobyerno ng recyclable sachet materials upang hindi na kumalat ang mga nakakalasong plastic na sisira sa a­ting kapaligiran maging sa kalupaan, ere at sa ating karagatan na naghahatid ng negatibong epekto sa ating marine life. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

543

Related posts

Leave a Comment