POEA HINDI KINONSULTA ANG HEALTH WORKERS

WALA pa ring katiyakan kung hanggang kailan mag-aantay ang mga health care worker na gustong magtrabaho sa ibang bansa matapos na maabot ang 5,000 ­maksimum na bilang ng deployment sa ibang ­bansa na itinakda sa Philippine Overseas ­Employment Administration (POEA) Advisory No. 71.

Maliban sa United Kingdom (UK) na nakahingi ng exemption  sa deployment limitation, ang iba pang bansa, kabilang ang mga ­kasama sa Middle East, ay hindi pa maaaring magpadala ng health workers sa kanila.

Sa kasalukuyan, ­tanging health workers na nagbabakasyon lang sa bansa tulad ng mga nurse, ­nursing aide at nursing assistant ang pinapahintulutan ng POEA na makalabas ng ­ating bansa.

Ayon kasi kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, kasalukuyan pa ring pinag-aaralan ng kanyang opisina kung talagang mayroon pa ring kakulangan ng health care workers sa ating bansa dahil kailangan sila rito sa Pilipinas dulot ng idineklarang medical emergency ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kung kulang, saka ­magrerekominda ang kalihim sa Inter – Agency Task Force (IATF) at sa Office of the President (OP) na kailangan nang luwagan ang nasabing deployment limitation ng OFWs upang makapaghanap-buhay na iba’t ibang bansa ang mga health worker.

Napakaraming oportunidad para sa  health care workers ang nawawala dahil sa itinakdang deployment limitation ng POEA.

Kabilang d’yan ang oportunidad na makapagtrabaho ang 15,000 nurses sa Germany na kinakailangan ng huli.

Maging ang ilang bansa sa Asya ay nangangailangan din ng health care workers.

Ayon sa isang nurse na nakausap ko, “napaka-unfair para sa aming mga nurse [dahil] para kaming hinostage ng DOLE. [H]indi na kami nabigyan ng ­pagkakataon na kumita nang ayon sa aming kagustuhan”.

“Nagpakahirap kami sa pag-aaral at nagtiyaga sa training dahil sa pangarap naming makapagtrabaho sa ibang bansa para sa ­aming pamilya. [H]indi naman kayang tapatan ng mga ­employer dito sa Pilipinas ang aming kikitain doon”, patuloy ng nurse.

Ganito rin halos ang  saloobin ni Lito Soriano na may-ari ng manpower ­agency sa Maynila.

Kamakailan, ipinahayag niya sa kanyang Facebook account ang panawagan niya sa POEA Governing Board na magpatawag ng consultation meeting upang mapakinggan ang saloobin ng mga health care worker, lisensyadong manpower agency at maging OFW advocates.

Marahil, nararapat lamang na pakinggan ng POEA Governing Board at ni Bello ang hinaing ng mga health care worker, mga may-ari ng mga pribadong ospital at mga manpower agency.

Sa ganitong paraan ­lamang lubusang malalaman kung talagang kinakailangan bang pigilin ang karapatan ng mga health care worker na makapagtrabaho sa ibang bansa para abutin ang kani-kanilang mga pangarap sa kani-kanilang pamilya.

 

123

Related posts

Leave a Comment