POGO: BENEPISYO O PERWISYO?

NANAWAGAN na rin ang Chinese Embassy na ipagbawal ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Pilipinas.

Nakagugulat ang panawagang ito ng China dahil sa tensyong namamagitan sa pagitan ng bansa at ng Pilipinas hinggil sa teritoryo ng katubigan.

Ngunit malinaw na para sa proteksyon ng mamamayan ng China ang isinusulong ng panawagan, dahil ayon mismo sa Embahada nito ay karamihan ng Chinese citizen na sangkot sa mga kaso ay biktima ng Philippine offshore gambling industry.

Tinututulan din nito ang anomang walang basehang akusasyon laban sa China sa isyu sa POGO.

Nakasisira umano ang mga POGO sa imahe at interes ng Pilipinas at China gayundin sa relasyon ng dalawang bansa.

Naghuhugas-kamay ba ang China sa mga ilegal na aktibidad na nasa loob ng POGO hub?

Matatagalan bago umabot sa konklusyon at tuldukan ang isyu at panawagang i-ban ang mga POGO sa Pilipinas. Tulad ng nakagawian o naturalesa, walang patid na debate, diskusyon at mga pananaw ang sahog sa putaheng ito.

Bukas si Speaker Martin Romualdez sa patuloy na operasyon ng mga POGO, basta susundin ng mga ito ang batas ng Pilipinas. Determinado aniya ang pamahalaan na lubos na ipatupad ang mga batas sa POGO.

Ilang panukalang batas na layong ipagbawal ang ilang POGOs ang nakabinbin sa House.

Nanawagan naman ang ilang senador kay Pangulong Marcos na i-ban ang POGO dahil banta diumano ito sa seguridad ng bansa, at sa koneksyon nito sa mga organized crime.

Ang ibang mambabatas ay kontra sa panawagang ito. Kawalan ng trabaho, masama ang epekto sa ekonomiya at malaking katapyasan sa buwis ang inilalatag na mga rason.

Ayon sa PAGCOR, tinatayang mahigit P20 bilyon kada taon ang mawawalang kita sakaling ipagbawal ang POGO, at hindi ito garantiya na mawawala ang mga ilegal na aktibidad.

Kailangan timbangin ng pamahalaan ang mga sinasabing benepisyo ng malaking buwis at ambag ng offshore gaming sa trabahong ibinibigay nito sa mga Pilipino, at ihambing ito sa masamang epektong idinudulot sa sambayanan. Ipinagbabawal ng batas ng China ang lahat ng uri ng pagsusugal at mahigpit ding pinipigilan nito ang mamamayang Tsino na nakikibahagi sa negosyo ng pagsusugal sa ibang bansa kabilang ang POGO, kaya malaki itong dahilan na maaaring magbigay rin ng bigat sa anomang desisyon ng Pilipinas sa usaping ipagbawal ang operasyon ng offshore gaming.

261

Related posts

Leave a Comment