POGO HINDI NARARAPAT SA KORUP NA GOBYERNO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

DAPAT higpitan ang pagpapatupad ng batas sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa imbes na ipagbawal ito nang tuluyan.

Sabi ‘yan ni House Speaker Martin Romualdez, na naniniwala na ang total ban sa operasyon ng POGO ay magtutulak lang dito para mag-underground.

Aba, palso atang rason ‘yan ah.

Ano ang silbi ng mga anti-crime o kontra sa ilegal na mga ahensiya sakaling mag-operate pa rin ang mga pinaalis na operators?

Ayon kay Romualdez, ang ban ay kailangang ipataw lang sa mga POGO na ilegal ang aktibidad, at ang tuluyang pagbabawal sa operasyon ng POGO sa bansa ay dadaan sa tamang proseso at naaayon sa batas. Kaya ang kailangan ay mahigpit na pagpapatupad ng batas?

Dahil daw sa istriktong pagpapatupad ay lumago ang koleksyon ng Philippine Amusement and Gaming Corp. o PAGCOR, kahit nabawasan ang bilang ng mga lisensyado.

Kung gayun, pagdating sa POGO, buwis ang pinahahalagahan kaysa seguridad ng bansa at salot na dala nito sa lipunan.

Sige, higpitan ang regulasyon, ngunit minsan ay hindi gagana ang ipinatutupad na batas kung ang nagpapatupad ay nasisilaw sa kaway ng pera.

Nababaliktad: Ang nagpapatupad ay nagiging protektor. Proven na ika nga.

Teka, ano na ang kahihinatnan ng inaprubahang House Bill 5082 at House Bill 10525 na layong ipagbawal ang mga POGO sa bansa?

Ang hakbang ay may mungkahi ring ipawalang-saysay ang mga lisensyang ipinagkaloob sa mga POGO.

Hindi ibig sabihin na dahil lisensyado ay hindi na ito magagamit na panakip sa mga ilegal na aktibidad.

Naging paraiso na ng POGO ang Pilipinas, pero sa ibang Pinoy, ang POGO ay perwisyo.

Ang daming pwedeng pagkakitaang ibang industriya pero sa sugal aasa, at sa POGO pa.

Iba raw kasi ang kaway ng pera, na madaling makakorup. Sa gobyernong hindi mapuknat ang korupsyon, ang mahigpit na regulasyon ay may katapat na mas maraming datung.

Sana naman, katigan ng mga mambabatas at politiko ang tunay na magbibigay ng may proteksyon, seguridad at ligtas na espasyo para sa mamamayan.

Walang mangyayari sa mahigpit na regulasyon kung ang nagpapatupad ay madaling masuhulan at maging tiwali.

Iba ang puwersa ng salapi. Sumasakay rito ang korupsyon. Sa dami ng umaagos na pera mula sa sugal na industriya, aba pwede na nitong tustusan ang kandidato na kapag nanalo ay hindi utang na loob ang gustong ibalik kundi ang magpamanipula sa mga gumasta para sa kanya.

Wala ngang magiging magandang pagbabago para sa mga tao.

Baka itong POGO e mag-ala jueteng. Ilang ulit na gustong patayin, itinulak pang gawing legal na lang para pumasok sa gobyerno ang kita pero hanggang ngayon nariyan.

Dami kasing nakikinabang mula kay tserman, kay police chief, mayor, atbp.

Hindi nararapat ipagpatuloy ang POGO sa korup na gobyerno.

33

Related posts

Leave a Comment