POGO-RELATED CRIMES NASUGPO NA BA?

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

WALA nang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO-related crimes.

Ito ay kung paniniwalaan ang ating kapulisan sa kanilang ulat na ginawa sa huling pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.

Anila, simula noong September 15 kung kailan isinagawa ang unang joint hearing ng nasabing komite kasama ang Committee on Ways and Means hanggang noong nakaraang Lunes ay wala na silang naitalang krimen na may kaugnayan sa POGO.

Kung totoo, suplak na naman dito ang ilang grupo at personalidad na anti-POGO na nagsasabi na ang industriya ay pinagmumulan ng social ills at nagpapalala ng kriminalidad sa bansa.

Nang manghingi ng updates si Sen. Bato Dela Rosa mula sa mga opisyal ng PNP, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) acting Regional Director PBGen. Jonnel Estomo na mas pinaigting pa nila ang police visibility.

At mula sa huling imbestigasyon ng Senado noong nakaraang buwan ay wala nang naitalang krimen kaugnay sa POGO sa National Capital Region at Regions 3 and 4.

Tanong ni Senador Bato: “Meron bang nangyaring kidnapping pa? Meron bang nangyaring patayan (na) POGO-related?”

“Magmula nang nag-hearing tayo, up to today, walang insidente ng kidnapping sa Metro Manila,” ang naging sagot ni Gen. Estomo sa dating PNP chief.

Nag-report din sina Region 3 ARD PBGen Cesar Pasiwen at Region IV-A ARD PBGen Jose Melencio Nartatez Jr. na parehong naghayag sa mga senador na wala nang insidente ng mga krimen na kinasasangkutan ng POGO sa Central Luzon at Calabarzon.

Dahil dito, naibulalas tuloy ni Estomo sa hearing na mistulang may nananabotahe lang sa PNP o sine-scenario lang ang pambansang pulisya dahil aniya’y ang sinasabing mga krimen ng mga anti-POGO ay nangyari noong July pa at hindi naman kamakailan lang.

Nanindigan ang NCRPO chief sa harap ng mga miyembro ng Senado na buong PNP ay kayang solusyunan ang anumang krimen hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa buong bansa at nang tanungin siya ni Sen. Sherwin Gatchalian kung dapat pa bang ituloy ang POGO, kanyang sinabi na mas gusto niyang magpatuloy ang POGO dahil nakatutulong ito sa bansa at maraming Pilipino ang nabibigyan ng trabaho.

Sa bandang huli’y nagsabi si Estomo na ipagpapatuloy ng PNP ang mga ginagawa nito upang tuluyan nang maiwasan ang POGO-related crimes. “‘Pag may mangyari, gagawin namin ang tungkulin namin para mahuli namin ang mga gumagawa n’yan. Ganun lang kasimple, sir,” aniya.

Berigud.

69

Related posts

Leave a Comment