SA nakaraang ‘Talk to the People’ ni Pangulong Rodrigo Duterte, tahasang sinabi nito na mayroong ilan sa political parties kabilang ang isang presidential candidate, ang may sikretong pakikipag-alyansa sa makakaliwang grupo.
Bagama’t hindi ito pinangalanan ng Pangulo ay dapat na protektahan ng sambayanan si presidential front runner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang patuloy na pag-iikot saan mang sulok ng bansa, kahit na maaaring may malaking banta sa kanyang seguridad ay ninais pa rin ni BBM na makita ang kalagayan ng mamamayang Pilipino kaysa pakikipag-away sa debate at paulit-ulit na siraan ang kanyang pamilya.
Mayroon na lamang 45 days bago ang araw ng halalan kaya’t asahan ang iba pang plano ng mga kalaban sa pulitika ni BBM, kung hindi umubra ang kanilang Plan A, B at C ay malayo pa ito sa huling letra ng alphabet, upang aksayahin nila ang ilang araw na lamang na nalalabi.
Tila ang hakbang na ito ng isang presidential candidate na pakikipag-ugnayan sa rebeldeng grupo ay isang taktika sa pulitika na ginamit noon ni Cory Aquino upang mapabagsak ang pamahalaan ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos dahilan upang dumami ang mga raliyista sa EDSA noong 1986.
Maraming tagong pahina ng kasaysayan ng ating bansa ang itinago mula nang maagaw ni Cory Aquino ang pamahalaan. Bago pa man ideklara ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ang Proclamation 1081 o Martial Law noong September 23, 1972 ay mayroon nang mga naitalang pangyayari na nakipagsabwatan umano si Ninoy sa rebeldeng NPA at ginawang kuta ang Hacienda Luisita upang dito planuhin ang kanilang balakin upang pabagsakin ang gobyerno.
Pinaaresto ni Marcos Sr. sina Joma Sison at ang ilang komunista noong November 1977, kinasuhan ng rebelyon at sedisyon at matapos ang 9 years, March 5, 1986 matapos na maagaw ni Cory ang pamahalaan, ay pinakawalan ang mga ito mula sa military detention.
Mula noon ay lalo pang lumakas ang puwersa ng mga NPA at patuloy ang pag-atake ng rebeldeng grupo maging ang extortion activities nito at walang nagtagumpay na negosasyon mula sa pamahalaan.
Pinangangambahan na ang pahayag ni Pangulong Duterte na isang kandidato ang nakipag-alyansa sa rebeldeng grupo ay upang hadlangan ang pagbabalik ng isang Marcos sa pamahalaan at may malaking kapalit na maaaring pabor sa posibleng pag-uwi sa bansa ni Joma Sison o kaya ay palayain ang ilan pang natitirang political prisoners.
Posibleng ang ilan sa mga kandidato ngayon na walang kakayanan upang manalo sa eleksyon, kabilang ang isang mahigpit na kalaban ni BBM, ay maaaring isa ito sa mga plano upang mayroon silang katulong sa paninira at itulak ang maling impormasyon patungkol sa mga Marcos.
Matatandaang sinabi ng isang vice presidential candidate sa nakaraang debate na wala isa sa kanila ang kayang talunin ang UniTeam kaya’t ito’y nanawagan ng pagkakaisa upang hindi manalo ang BBM-SARA team.
Panawagan naman ni Pangulong Duterte na huwag iboto sa darating na May 9 election ang mga kandidatong nakikipag-alyansa sa NPA dahil ito’y maaaring magpahamak muli sa seguridad ng bansa.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
98