PONDO NG HEALTHCARE SA QUEZON, TINAPYASAN?

0

LUMABAS na rin ang katotohanan na kaya pala malala ang sitwasyon ng healthcare sa North ­Quezon, lalo na sa munisipalidad ng Panukulan Quezon dahil sa diumano’y binawasan ang pondo ng healthcare ng lalawigan.

Lumalabas sa deliberasyon ng 2021 badyet ng ­Quezon, natuklasan ni Bokal Sonny Ubana, majority floor leader at pito pang board members ng Sangguniang Panlalawigan na diumano’y tinapyasan ni Quezon Governor Danny Suarez ang pondo para sa mga hospital ng ­mahigit 20 porsiyento.

Kailangan yata ng ­paliwanag dito ng ama ng Quezon kung bakit binawasan pa ang pondo ng mga pangangailangan ng health workers gaya ng kanilang suweldo at mga personal protective equipment, o PPEs, na nauna nang pinondohan noong 2020.

‘Yan mismo ang kailangan ngayon dahil sa pagkalat ng pandemya.

Nauna nang inihayag ng gobernador na pagtutuunan ng pansin ng kanyang tanggapan ang paghatid serbisyo sa mamamayan ng Quezon para labanan ang posibleng paglaganap ng nakamamatay na ­COVID-19 sa lalawigan, pero taliwas yata iyon sa kanyang ginawa.

Dahil nga sa pagbusisi ng Sangguniang Panlalawigan sa 2021 budget ng Governor’s Office, natuklasan din na ­mayroong milyun-milyong pisong kuwestyonableng budgetary items ang ­governor’s office na hindi umano malinaw kung saan-saan mapupunta ang ­naturang pondo.

Paalala ni Ubana sa ama ng lalawigan na ipinagbabawal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ‘di malinaw na pagkakagastusan ng pondo at mayroon mang pagkakagastusan ay kailangang sapat ang mga impormasyon kung saan mapapasakamay ang badyet.

Sa panayam kay Ubana ng Dos por Dos sa DZRH, sinabi nito na walang naiba sa ­pagkakagastusan ngayon sa lalawigan sa ilalim ng ­tinatawag na “re-enacted budget”.

At tuluy-tuloy dapat ang ­pasuweldo sa mga empleyado ng kapitolyo, lalo na sa frontliners tulad ng mga health worker.

Sa tala mismo ng Quezon province website, malinaw na gumastos ng mahigit 102 ­milyong piso ang lokal na pamahalaan sa personal services noong 2019 kumpara sa mahigit 88 milyong pisong gastos noong 2018.

Bunga ng streamlining ­policy ng pamahalaan, ipinanukala na sa 2020 budget nararapat na gumastos ang lalawigan ng 75.5 milyong piso para sa personal services.

Ayon pa kay Ubana, nakapagtataka na tumaas pa ang alokasyon ng ­Quezon hindi lamang sa pasuweldo sa namamasukan ng regular at kontraktuwal sa nasabing probinsya, kundi kabilang na ang mga health worker ­dahil sapat naman, aniya, ang ­pondong inilaan ng ­pamahalaang panlalawigan sa gastusin nito, kabilang ang mga medical equipment na ginagamit para sa pagsugpo ng COVID-19 pandemic.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment